Alejandro R. Roces
(13 Hulyo 1924–23 Mayo 2011)
Si Alejandro R. Roces (A·le·hán·dro Ar Ró·ses) ay isang manunulat ng maikling kuwento at sanaysay, peryodista, at opisyal ng gobyerno. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 2003.
Ang kaniyang maikling kuwento na “We Filipinos are Mild Drinkers” ay nagwagi ng unang gantimpala sa timpalak sa pagsulat ng maikling kuwento ng University of Arizona. Isa siyáng manunulat na komiko at kinilala siyáng ganito dahil sa kaniyang mga akda sa Of Cocks and Kites(1959) at Something to Crow About(2005). Nilaman naman ng kaniyang Fiesta(1980) ang mga pistang Filipino.
Nagsimulang lumabas noong dekada1950 ang kaniyang pitak sa peryodiko na tinawag niyáng“Roses and Thorns” sa pahayagang Daily Mirror at nagpatuloy sa Manila Times at sa Philippine Star. Naging Kalihim ng Edukasyon siyá sa ilalim ng administrasyon ng Pangulo Diosdado Macapagal, pangulo ng Manila Bulletin, at tagapangulo ng Lupon sa Review at Klasipikasyon ng Pelikula at Telebisyon. Nagkamit siyá ng Tanging Parangal ng Gawad Sentrong Pangkultura ng Pilipinas Para sa Sining(1990); Gawad Patnubay ng Sining at Kalinangan ng Lungsod Maynila (1970) at Gawad Diwa ng Lahi (1988); Gawad Rizal Pro Patria.
Siya ay isinilang noong 13 Hulyo 1924 kina Rafael Roces and Inocencia Reyes. Siyam siláng lalaking magkakapatid, at siyá ang ikanim. Nanirahan sila sa Sta Cruz, Maynila sa panulukan ng Oroquieta at Zurbaran. Si Irene Viola ang kaniyang napangasawa, apo ni Maximo Viola na naglimbag ng nobelang Noli me tangere sa Alemanya. Silá’y nagkaroon ng isang anak na si Elizabeth. Nagtapos siyá ng elementarya at hay-iskul sa Ateneo de Manila University, ng Batsilyer sa Sining sa Literatura sa State University of Arizona, at ng master sa Far Eastern University na pinaglingkuran niyá bilang propesor at dekano ng Instituto ng Sining at Letra. (RVR)