náta

 

Ang náta ay katumbas ng krema sa Español, subalit maaaring tumukoy rin sa espesipikong krema na gawa sa niyog, ang “náta de-cóco.” Sa malaking bahagi ng Filipinas, lalo pa sa mga lalawigang Laguna at Quezon, ginagawa ang náta sa pamamagitan ng sabaw ng niyog. Ang malagula-mang panghimagas na ito’y nabubuo dahil sa galaw ng kágaw, na alinman umano sa Leuconostoc mesenteroides, Acetobacter aceti, o Acetobacter xylinium.

Kapag nabuo ang náta, madalas itong niluluto sa malapot na arnibal at karaniwang inihahain kasáma ang sariwang prutas. Sinasabing isa sa mga pampalusog na pagkain ang náta dahil sa mataas nitong fiber, kayâ’t nakatutulong sa paglilinis ng bituka, at paboritong kakanin dahil sa halos zero na bilang ng kalori nitó. Tumutulong din umano ito sa pag-iwas sa kanser sa kolón. (ECS)

 

 

Cite this article as: náta. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/nata/