Lóok Súbic
geology, water, economic zones, ports, American Colonia Period, trade
Maaaring tumukoy ang Lóok Súbic sa láwas ng tubig na bahagi ng Dagat Kanlurang Filipinas (Dagat Timog China), o sa Subic Bay Freeport Zone, ang kauna-unahang “free port” (lugar na tax-free at duty-free) ng Filipinas na itinayô sa dating U.S. Naval Base Subic Bay. Matatag-puan ito sa kanlurang baybayin ng Luzon sa lalawigan ng Zambales, at pinaliligiran ng Lungsod Olongapo, bayan ng Subic, at Bulubunduking Zambales, na nagkakanlong sa pook laban sa mga bagyo. Malaki ang naiaambag ng Lóok Subic sa ekonomiya ng bansa, dahil na rin sa mataas nitóng antas ng kalakal at industriya. Maihahambing ito sa mga freeport zone ng Clark at Poro Point bilang dating base militar ng mga Americano na ibinalik sa pagmamay-ari ng Filipinas.
Unang natuklasan ang kahalagahan ng Lóok Subic bilang daungan—dahil na rin sa estratehiko nitong lokasyon at likás na malalim na daungan—noong panahon ng pan-anakop ng mga Español. Noong 1884, ipinahayag itong daungan at pagawaan ng mga sasakyang pandigma ng España. Sa sumunod na taon, sinimulan ang paggawa sa Arsenal en Olongapo. Ginamit ng mga Español ang Lóok Subic noong Digmaang Español-Americano bago ang Labanang Look Maynila.
Sa panahon ng pananakop ng mga Americano, naging tahanan ang Lóok Subic ng pinakamalaking base ng hukbong pandagat ng Estados Unidos sa rehiyon ng Karagatang Pasipiko, at kanila ring ikalawang pinakamalaking base militar sa labas ng kontinente ng America pagkatapos ng kalapit na Clark Air Base sa Pampanga. Napasakamay ito sa hukbong imperyal ng mga Hapones noong 1942 at nilisan pagkatapos ng tatlong taon.
Noong Digmaang Vietnamese, naabot ng Lóok Subic ang pinakamataas na bilang ng mga dumadaong na sasakyang pandagat, at dumaraan sa supply depot nitó ang pinakamataas na timbang ng langis para sa kahit anong pasilidad ng hukbong pandagat sa buong daigdig. Noong 1992, nilisan ng hukbo ng Estados Unidos ang Lóok Subic, at ito ang kauna-unahang pagkakat-aon na walang sandatahang dayuhan ang nasa lupaing Filipino.
Sa pangunguna ng kanilang noo’y alkalde na si Richard Gordon, napangalagaan ng mga taga-Olongapo ang mga gusali at pag-aaring iniwan ng mga Americano na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong dolyar. Sa kasalukuyan, hitik ang Lóok Subic sa mga dayuhan at lokal na kompanya; tahanan ito ng isa sa pinakamalaking pagawaan ng sasaky-ang pandagat sa buong mundo. Bukod sa kalakal at indus-triya, tanyag ang Lóok Subic bilang bakasyunan. Matatag-puan dito ang ilang beach, theme park, hotel at resort, duty-free na pamilihan, isang safari, isang jungle survival course tampok ang mga gurong Aeta, at ilang shipwreck na dinadayo ng mga scuba diver. (PKJ)