Araw ng Kagitingan

“Day of Valor” or “Bataan Day“ is a National Holiday commemorated every April 9

Ang Araw ng Kagitíngan, kilalá rin bílang ”Day of Valor” at ”Bataan Day,” ay isang pambansang araw ng paggunita sa pagbagsak ng Bataan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Idinadaos tuwing ikasiyam ng Abril, isa ito sa mga pambansang pista o holiday ng Filipinas.

Noong ikasiyam ng Abril 1942, pagkatapos ng tatlong buwan na Labanang Bataan, isinuko ni Major General Edward King Jr. ng Estados Unidos ang mahigit-kumulang 76,000 sundalo sa hukbong Japanese. Ang mga alyadong sundalo— Filipino, Americano, at Tsinoy—ay sapilitang pinalakad, at sa hulíng yugto ay ipinagsiksikan sa mga kotse ng tren, sa umaabot sa 140 km patungong Camp O’Donnell sa Capas, Tarlac. Libo-libo ang binawian ng búhay sa tinatawag na ”Death March” dahil sa uhaw, init, gutom, karamdaman, at pagmaltrato ng mga Japanese. Mahigit-kumulang 54,000 sundalo lámang ang nakaabot nang buháy sa kampo.

Sa kasalukuyan, nakapaloob sa ”Linggo ng mga Beterano ng Filipinas” (Philippine Veterans Week) ang Araw ng Kagitingan. Ilan sa mga opisyal na seremonya sa linggong ito ay idinadaos sa Libingan ng mga Bayani, Kampo Aguinaldo, Isla ng Corregidor, Capas, at ang Dambana ng Kagitingan sa Bundok Samat, Pilar, Bataan. Malimit na sa okasyong ito ay magkakasáma sa paggunita ang mga beterano at kanilang kaanak, mga kinatawan ng Estados Unidos at bansang Japan, mga pinunò ng pamahalaan ng Filipinas, at mga kabataaang Filipino. (PKJ)

Cite this article as: Araw ng Kagitingan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/araw-ng-kagitingan/