Alfrédo C. Sántos
(15 Agosto 1900-11 Abril 1990)
Si Alfrédo C. Sántos ang tinaguriang “Ama ng Pananaliksik sa Natural na mga Produkto sa Filipinas.” Naghanap siyá ng mga alternatibong pamalit sa mga inaangkat na alkaloid upang maging mas múra ang produksiyon ng gamot sa bansa. Nagsagawa siyá ng mga siyentipikong pag-aaral sa katangian at estruktura ng phaeanthine at phaeantharine, mga alkaloid mula sa katas ng katutubong halamang gamot sa Filipinas. Siyá ang may-akda ng Philippine Plants and Their Contained Natural Products: Biological and Pharmacological Literature Survey. Dahil sa kaniyang pagsisikap, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 10 Hulyo 1978.
Noong 1930, matagumpay na tinukoy at naihiwalay ni Santos ang alkaloid na phaeanthine mula sa punò ng kalimatas. Ang punòng ito ay katutubo sa Filipinas at matatagpuan sa mga kagubatan. Ginagamit ang katas ng balát nitó bilang lunas sa sakit na conjunctivitis. Nagawa rin ni Santos na makakuha ng alkaloid na anonaine mula sa katas ng punòng anonas at suaveoline mula sa halamang súsong kalabaw. Ang mga alkaloid ay pangunahing ginagamit sa paggawa ng gamot.
Hindi nakalimutan ni Santos ang pagtuturo. Nagturo siyá sa Kolehiyo ng Parmasya sa Unibersidad ng Pilipinas sa loob ng mahigit 45 taón at nagsilbing tagapayo ng Research Center for Natural Sciences sa Unibersidad ng Santo Tomas. Aktibong kalahok rin siyá sa mga imbestigasyon at gawaing pananaliksik ng Institute of Science and Technology at National Research Council of the Philippines.
Isinilang si Santos noong 15 Agosto 1900 sa Santo Tomas, Pampanga. Nagtapos siyá ng batsilyer at master sa Parmasyutikal na Kemistri sa UP. Noong 1925, nagtapos siyá ng doktorado sa Parmasya sa UST. Ipinadalá siyá ng UP sa Germany upang magpakadalubhasa sa pag-aaral ng alkaloid. Nag-aral siyá sa Westfalische Wilhelms Universitat sa Muenster, Germany bilang Traveling Fellow ng gobyerno ng Filipinas. Noong 1929, siyá ang naging kauna-unahang Filipino na doktorado sa alkaloidal chemistry. Namatay siyá noong 11 Abril 1990. (SMP) (ed VSA)