oréganó
Ang oréganó (Coleus amboinicus) o kilalá rin bilang suganda ay isang yerbang tuwid ang katawan, kulay lungti, aromatiko, at ginagamit bilang pampalasa at gamot. Ang mga dahon ay makapal, bahagyang magaspang, mabalahibo, hugis puso, at mayroong tila mga bilugang ngipin sa gilid. Maliliit at mapupusyaw na lila ang mga bulaklak na magkakalayô ang pagtubò. Mainam itong itanim sa mga lugar na may mainit na klima.
Ginagamit na pampalasa at pampabango ito sa mga inumin, salad, at putahe ng mga karneng may matatapang na amoy. Naging popular na sahog ito sa mga pagkaing Italian-American noong pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Karaniwan din itong ginagamit sa mga bansang Turkey, Palestine, Lebanon, Egypt, Syria, Greece, Portugal, Spain, Latin America, at Filipinas. Sa Turkey, pampalasa ito ng karne ng tupa at inilalagay sa mga barbikyu at kebab kasáma ng asin, paminta, at paprika. Sa Greece, inilalagay sa Greek salad, isda, at barbikyu. Karaniwan namang ginagamit dito para alisin ang amoy ng nilulutong karne ng kalabaw.
Ang dinikdik na dahon ay para sa mga kagat ng alakdan at alupihan o kayâ naman sa sakit ng ulo habang ang pinakuluang dahon ay itinatapal sa pasò at mainam ding inumin para maibsan ang sakit sa tiyan, lalamunan, hika, ubo, at rayuma.
Katutubo ang oréganó sa kanluran at timog kanlu-rang rehiyon ng Eurasia at sa Mediterraneo na may katamtamang init ng pana-hon. Ang salitang oréganó ay pinaniniwalaang mula sa Italian origano na mula naman sa Greek origanon na tumutukoy sa isang yerbang maanghang. Pinaniniwalaan ding ito ay hiram na salita mula sa Hilagang Africa. (KLL)