Jose Maria V. Zaragoza

(6 Disyembre 1912–26 Nobyembre 1994)

Isang iginagálang na arkitekto si Jose Maria V. Zaragoza (Ho·sé Mar·ya Vi Za·ra·go·za) (6 Disyembre 1912–26 Nobyembre 1994) na pinarangalan bílang Pambansang Alagad ng Sining para sa Arkitektura noong 2014. Kinikilála rito ang mga likha niyang “sekular at relihiyoso” na nagpapakita ng malawak niyang kakayahang tipolohiko at“kadalubhasaan sa bokabularyo ng modernistang arkitektura.”

Isinilang noong6 Disyembre1912, kumuha si Zaragoza ng BS sa Arkitektura mula sa Unibersidad ng Santo Tomas at nagtapos noong 1936, at nakakuha ng lisensiya noong1938 upang maging ika-82 arkitekto sa bansa. May diploma si Zaragoza sa sining at arkitekturang panliturhiya mula sa International Institute of Liturgical Art sa Roma, gayundin para sa pagpaplanong komprehensibo mula naman sa Hilversun Technical Research Center sa The Netherlands.

Malaki ang naging papel ni Zaragoza sa pagbangon ng bansa pagkatapos ng digmaan. Popular ang mga disenyo niya ng iba’t ibang simbahan mula sa mga Katolikong simbahang Sto. Domingo at St. John Bosco Parish(1978) hanggang sa Protestanteng Union Church ng Maynila; binago rin niya ang disenyo ng Simbahang Quiapo. Sa mga sekular niyang disenyo, pinakatampok ang 14-palapag na Gusaling Meralco (1969) sa Ortigas; ang Virra Mall, na siyang unang mall sa Greenhills noong dekada 70; at ang gusali ng PAL sa Makati. Nasukat ang tatag ng disenyo ni Zaragoza nang hindi nasira ng 7.7 na lindol noong 1990 ang Gusaling Meralco.

Sa kabuuan, bago pumanaw noong 26 Nobyembre 1994 ay nakapagdisenyo si Zaragoza ng 45 simbahan, 273 tahanan, 36 gusaling pantanggapan, tatlong hotel, 15 tanggapan ng terminal na pampaliparan, limang gusaling pampubliko, 15 gusaling pang-kondominyum, at 350 mga proyektong pabahay.

Cite this article as: Zaragoza, Jose Maria V.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/zaragoza-jose-maria-v/