Gregorio Y. Zara

(8 Marso 1902–15 Oktubre 1978)

Si Gregorio Zara (Gre·gór·yo Zá·ra) ay isang tanyag na Filipinong imbentor, inhenyero, at dalubhasa sa pisikang nuklear. Ibinahagi niya sa mga Filipino ang mga pinakaabanteng kaalaman sa siyensiya at inhenyeriya sa pamamagitan ng kaniyang mga pananaliksik, siyentipikong sulatin, at pagsasanay sa mga nakababatàng siyentista. Subalit mas kilala si Zara dahil sa mga naimbento niyang aparato at makabagong kagamitan. Nakakuha siya ng 30 internasyonal na patent para sa mga ito. Dahil dito, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong Hulyo 1978.

Napakarami ng mga imbensiyon ni Zara na may praktikal na aplikasyon sa modernong lipunan. Tampok rito ang kaniyang Earth Induction Compass. Ginamit niya ang prinsipyo ni E.V. Appleton hinggil electromagnetic waves upang lumikha ng kakaibang kómpas na maaaring gamitin sa himpapawid. Inimbento niya ang Vapor Chamber na magagamit sa pag- aaral ng katangian ng mga radioactive particles. Nag-imbento siya ng iba’t ibang aparato na gumagamit ng enerhiya ng araw. Nilikha niya ang unang Thermo- Solar Energy Machine sa Filipinas na ginagamitan ng katutubong materyal. Matagumpay na gumawa si Zara ng robot na káyang maglakad, magsalita, at sumunod sa utos bagaman ang teknolohiya sa robotika noong panahon niya ay hindi pa gaanong popular. Inimbento niya ang Alcohol Fuel at matagumpay itong nagamit noong 1954 nang paliparin ni Major Henry Meider ang unang eroplano sa daigdig na pinatatakbo ng alkohol.

Si Zara ay isinilang noong 8 Marso 1902 sa Lipa, Batangas. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Mekanikal na Inhenyeriya noong 1926 sa Massachusetts Institute of Technology at master sa Siyensiya sa University of Michigan. Nagtungo siya sa France upang ipagpatuloy ang pag-aaral at pagsasanay. Nakuha niya ang doktorado sa Pisika sa Sorbonne University noong 1930. Pinamunuan niya ang Aeronautics Division ng Kagawaran ng Pampublikong Paggawa at Komunikasyon. Hinirang siyang punòng inspektor ng Inspection and Air Regulation Division ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa. Nagsilbi rin siyá sa National Science Development Board, National Research Council of the Philippines, at UNESCO. Namatay siya noong 15 Oktubre1978. (SMP)

Cite this article as: Zara, Gregorio Y.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/zara-gregorio-y/