Nicolas Zamora
(10 Setyembre 1875–14 Setyembre 1914)
Si Nicolas Zamora ang kauna-unahang Filipino na naging ministrong protestante at naging tagapagtatag at pastor ng Knox Memorial Church noong 1903. Isinilang si Zamora sa Intramuros, Maynila noong10 Setyembre 1875 at panganay na anak nina Paulino Zamora at Epifania Villegas. Nagmula si Zamora sa angkan na may kasaysayan ng pandarahas ng simbahang Katoliko. Pinalayas sa bansa ang ama ni Zamora na si Don Paulino Zamora dahil sa pagmamay- ari ng Bibliya. Tiyuhin naman ni Don Paulino si Padre Jacinto Zamora, isa sa tinawag na Gomburza na binitay noong1872 dahil umano sa sedisyon.
Nauna siyáng nag-aral sa ilalim ni Maestro Pedro Serrano bago siyá ipinasok sa Ateneo Municipal at nakamit ng bachiller en artes. Nag-aral naman siyá ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas nakilála siyá doon dahil sa husay niya sa pagsasalita at sa pakikipagdebate. Iniwan niya ang pag-aaral upang sumapi sa himagsikan noong1896 at naglingkod bilang tenyente mayor sa ilalim ni Heneral Gregorio del Pilar. Taóng 1897 nang nakilála niya’t pinakasalan si Isabel de Guia ng Bulacan na nagbigay sa kaniya ng walong anak.
Nang dumating sa Filipinas ang mga Americano misyonerong, sa tahanan nina Zamora sa Intramuros ginanap ang unang pagpupulong ng misyong Presbitero. Pumasok siyá ng seminaryo sa Shanghai at noong 1900 ay itinalaga bilang diyakono ng Episcopal Methodist Church. Nang nilapitan siyá ng Ang Katotohanan, tinanggap niya ang pamumunò at sakâ nilá itinatag ang Iglesia Evangelica Metodista en las Islas Filipinas noong 28 Pebrero 1909. Dahil sa husay niya sa pagsasalita, marami siyáng naakit na Filipino patungo sa doktrinang Metodista. Tinawag na Zamorista ang mga tagasunod ni Zamora.
Namatay si Zamora sa edad na 39 noong 14 Setyembre1914 at ipinagluksa iyon ng libo-libong Filipino at maging ng mga banyagang misyonero. (ECS)