Jacinto Zamora
(4 Agosto1835–17 Pebrero1872)
Si Jacinto Zamora (Ha·sín·to Za·mó·ra) ay isang Filipinong paring sekular (paring hindi kabilang sa isang orden) na kilalá sa kasaysayan bilang isa sa Gomburza, na daglat para sa pangalan ng tatlong paring Filipino—sina Mariano Gómez, José Burgos, at Jacinto Zamora—na binitay pagkatapos idawit ng pamahalaang kolonyal ng mga Español at mga fraile sa nabigong Pag-aalsa sa Cavite noong 1872. Ang pagkamartir nina Zamora ang higit na nagpaalab sa nasyonalismo ng mga Filipino at humangga sa Himagsikan noong 1896.
Isinilang si Zamora noong 14 Agosto 1835 kina Venancio Zamora at Hilaria del Rosario. Nagsimula siyáng nag-aral sa Pandacan, Maynila bago pumasok sa Colegio de San Juan de Letran. Nakamit niya ang Batsilyer sa Batas Canon at Sibil noong 1858 sa Unibersidad ng Santo Tomas. Pinangasiwaan niya ang ilang parokya sa Marikina, Pasig, at Batangas.
Noong 20 Enero 1872, humigitkumulang200 sundalo at obrero sa imbakan ng sandata sa Cavite ang nag-alsa. Madaliang nasugpo ng mga Español ang pag-aalsa at ginamit itong dahilan upang supilin ang mga Filipinong makabayan at humihingi ng reporma sa pamahalaan. Idinawit ang tatlong paring tinagurian ngayon bilang Gomburza. Tunay nilang pakay si Burgos, na matagal nang pinag-iinitan ng mga Español dahil sa liberal na pananaw, pagsusulong ng sekularisasyon ng kaparian, at pagtatanggol ng karapatan ng mga Filipinong pari. Malapit kay Burgos sina Gomez at Zamora, at magkakasáma ang tatlo sa hangaring mapalaganap ang sekularisasyon. Kahit mahinà ang ebidensiyang mag-uugnay sa tatlo sa Pag-aalsa sa Cavite, hinatulan silá ng kamatayan pagkatapos ng maikli at kahina-hinalang paglilitis. Noong 17 Pebrero 1872, binitay sa pamamagitan ng garote ang tatlong pari sa harap ng publiko sa Bagumbayan (ngayon ay Liwasang Rizal). Sa kasalukuyan, matatagpuan ang isang palatandaan kung saan binitay sina Zamora sa Liwasang Rizal (Luneta), at isang palatandaan kung saan silá inilibing sa Liwasang Paco, pawang sa Lungsod ng Maynila. (PKJ)