Yungíb Tabón
Ang Yungíb Tabón ay isang sistema ng mga kuweba at matatagpuan sa Lipuun Point sa bayan ng Quezon, sa kanlurang baybayin ng lalawigan ng Palawan. Dito natuklasan ang “Táong Tabón”—tawag sa nalabíng bungo at ilang bahagi ng itinuturing na pinakasinaunang tao sa kapuluang Filipinas.
Ipinangalan ang mga yungib sa isang uri ng ibon (Megapodius cumingii, o ang Tabon Scrubfowl). Noong 1962, isang pangkat sa pangunguna ni Dr. Robert Bradford Fox, isang antropolohistang Americano ng Pambansang Museo ng Filipinas, ang nakatuklas sa ilang bahagi ng bungo at panga na kanilang tinawag na ”Tabon Man” (na lumitaw sa pagsusuring isang babae). Kasámang natagpuan ang ilang banga, palayok, at tapayan, alahas na gawa sa kabibe, buto ng hayop, at kasangkapan mula sa Panahon ng Bato. Batay sa pagsusuri, masasabing ang mga buto ay nanggaling sa isang Homo sapiens, o modernong tao, na nabuhay 22,000 hanggang 24,000 taon nang nakalipas. Batay rin sa pagsusuri ng pook na kinatagpuan sa mga labí, mahihinuhang ang mga kuweba ay naging tahanan ng tao sa loob ng 40,000 taón, mula 50,000 hanggang 9,000 taón nang nakalipas.
Mahigit sa 200 yungib ang matatagpuan sa Lipuun Point, ngunit 29 pa lámang ang nasiyasat at ilan lámang ang bukás sa publiko. May layò itong 155 km mula sa Puerto Princesa, kapitolyo ng Palawan. Dahil sa kahalagahan nitó sa kasaysayan at kultura ng Filipinas, ipinahayag ang mga Yungib Tabón bilang Museum Reservation Site noong 1972. (PKJ)