Regino Ylanan

(7 Setyembre 1889–23 Agosto 1963)

 

Philippine Physical Education, Filipino Olympian

 

Si Dr. Regino Ylanan (Re·hí·no I·lá·nan) ay isa sa mga dakilang lider ng edukasyong pisikal sa Filipinas. Sinikap niyang itaas ang antas ng atletiks at ang wastong pagtuturo nitó.

Ipinanganak siyá noong 7 Setyembre1889 sa Bogo, Cebu kina dating Senador Pedro Rodriguez at Francisco Ylanan. Nagtapos si Ylanan bilang isang doktor ng medisina sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1918. Dalawang taon ang lumipas, nagtapos siyá sa kursong Physical Education sa Springfield College sa Massachusets. Sa kaniyang pagbabalik sa Filipinas, itinalaga siyá bilang direktor ng Physical Education sa Unibersidad ng Pilipinas, posisyong hinawakan niya ng pitóng taon.

Nagsimula ang kaniyang karera sa larangan ng isports bilang baseball catcher ng Cebu High School at Unibersidad ng Pilipinas. Ngunit mas nakilála siyá sa larangan ng palakasan nang maging kampeon ng pentathlon, shot put, at discus throw sa Far Eastern Games na ginanap sa Maynila noong 1913. Noong 1924, sinimulan niya ang inisyatiba sa pagtatatag ng National Collegiate Athletic Association(NCAA) upang mapangasiwaan ang isports sa mga kasaping kolehiyo at magsagawa ng mga regular na timpalak sa iba’t ibang isports.

Nakilála din ang kahusayan ni Ylanan nang maging tagapagsanay siyá ng 100- at 200-meter na runner na si David Nepomuceno sa Paris Olympics noong 1924. Ito ang kauna-unang pagkakataon na lumahok ang Filipinas sa Olympics. Noong 1928 Amsterdam Games, nagsilbi naman siya bilang isang medical officer para sa delegasyon ng Filipinas. Siya rin ang pinunò ng delegasyon noong 1936 Berlin Olympics, at nakakuha dito ang Filipinas ng medalyang tanso sa kategoryang men’s400-meter hurdles. Malaki din ang ginawa niya sa pagsasanay ng mga guro sa edukasyong pisikal. Nagturo siyá ng edukasyong pisikal sa UP at naging nanunungkulang dekano at registrar ng National College of Physical Education. Dahil sa kaniyang mga ginawa, binigyan siyá ng masterado honoris causa sa edukasyong pisikal ng Springfield College noong 11 Hunyo 1950.

Noong 23 Agosto 1963, sa edad na 74, binawian ng buhay si Dr. Ylanan nang atakehin sa puso. Bilang pagpapahalaga sa kaniyang dedikasyon at iniwang halimbawa sa larangang ng isports, itinanghal siyá bilang “Sports Leader of the Millennium” ng Philippine Sportswriters Association noong 1999 dahil na rin sa paninilbihan niya ng tatlumpu’t tatlong taon bilang secretary-treasurer ng Philippine Amateur Athletic Federation. (MJ)

Cite this article as: Ylanan, Regino. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ylanan-regino/