yakál

Ang yakál (Shorea astylosa) ay isang uri ng matigas na punungkahoy sa pamilyang Dipterocarpaceae. Ito ay endemiko o matatagpuan lámang sa Filipinas, lalo na sa Lu-zon (Quezon at Camarines), Samar, Mindanao (Zambo-anga, Agusan at Davao). Namumulaklak ang yakál sa buwan ng Mayo. Kulay dilaw at mabango ang mga bulaklak nitó. Ang habitat ng punòng ito ay ang mga pangunahing gubat sa mababàng lugar o malapit sa kapatagan. Nangan-ganib na maubos ang punongkahoy na ito dahil sa walang tigil na pagputol sa mga punò at dahil sa pagkakaingin.

Ito ay napakalaking punò, may sukat na 25-30 metro ang taas, 1 metro o higit pa ang diyametro, ang dahon ay may dimensiyong 6.5-12 sentimetro ang habà at 2.5-6.5 sentimetro ang lapad. Napakabigat ang kahoy nitó. May timbang ang yakal na 700 kilo kada isang metro kubiko. Ang kulay ay dilaw hanggang ginintuang pula. Madagta at matigas ang kahoy nitó, karaniwang ginagamit sa mga sahig o pang-ibabaw na bahagi ng mga kasangkapan. Mainam itong gamitin sa mga kasangkapang panlabas ng bahay. Karaniwang gamit rin ang punòng ito para sa pagbubuo ng matataas na kalidad na estruktura tulad ng mga tulay, mga plataporma para sa daungan ng barko, minahan, at marami pang iba. Ang likido na makukuha mula sa balat ng punò ng yakal ay pinaniniwalaang may katangiang makapagpagalíng ng mga tumor.

Isang pag-aaral ang isinagawa ng Ecosystems Research and Development Bureau (ERDB) tungkol sa paglaki at pagdami ng yakal ((Shorea astylosa) at isang kalapit na species, ang giiso (Shorea guiso). Pinaghambing ang kakayahan ng mga itong mabuhay at lumaki sa iba’t ibang lugar taniman sa loob ng tatlong taon sa Tadao, Pasuquin Experimental Forest. Lumabas sa mga pananaliksik na mabilis ang paglaki at pagdami ng yakál sa lugar na taniman ng punò ng acacia (Acacia mangium at A. auriculiformis). Mas mataas ang mga punò at mas malapad ang diyametro nitó kung ikokompara sa ibang lugar taniman. Malaki ang epekto ng sapat na gubat kanlungan (forest cover) at tingkad ng liwanag (light intensity) sa mga mahalagang katangian ng punongkahoy na ito. (SSC)

 

 

Cite this article as: yakál. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/yakal/