Rafael Yabut
(10 Disyembre 1925–22 Pebrero 1997)
Si Rafael Yabut ay mamamahayag at tagapaghatid ng balita sa radyo, at naging tanyag sa kaniyang programang“Tayo’y Mag-aliw” sa DZBB. Naging gerilya rin si Yabut noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at naglingkod bilang konstabularyo hanggang 1975.
Isinilang si Yabut sa Candaba, Pampanga noong 10 Disyembre1925. Nagtapos siyá sa Far Eastern University at naunang nagtrabaho bilang elektrisista sa DZRH bago naging disc jockey. Nang ibinigay sa kaniya ang programang“Tayo’y Mag-aliw” noong mga hulíng taon ng dekada 40, hinawakan niya ito nang dalawang oras arawaraw mula Lunes hanggang Sabado. Naging isa sa pinakatanyag ang programa niya sa radyo noong dekada 50 at 60 dahil sa paggamit niya ng wikang Tagalog.
Dito siyá nakilála sa pagbibigay ng balita’t komentaryong pampolitika na matatapang. Hindi siyá natákot magbigay ng puna kahit sa mga nanunungkulan sa gobyerno. Naging usapin din ang paggamit niya ng mga salitang bulgar umano’t bastos sa kaniyang pakikipanayam. Noong1968, pinagtangkaan ang buhay ni Yabut sa pamamagitan ng pamamaril, subalit hindi napigil nitó ang tapang ng kaniyang pamamahayag. Isa siyá sa mga naging kritiko ni Pangulong Marcos at ng Batas Militar. Ilang beses siyáng dinakip at sinampahan ng kaso ng gobyerno noong dekada 70.
Gumanap din si Yabut sa mga pelikula, tulad ng Mr. Announcer ng LVN Pictures noong 1959. Yumao siyá dahil sa atake sa puso noong 22 Pebrero 1997. ( ECS)