writ of amparo
Ang writ of amparo (rit of am·pá-ro) o recurso de amparo ay nagsisilbing proteksiyon sa karapatan ng tao sang-ayon sa saligang batas ng isang bansa. Nangangahulugang “proteksiyon” ang amparo na nagmula sa wikang Español. Sa Filipinas, ang writ of amparo ay kasulatang sumusuhay sa kawalang-bisa ng writ of habeas corpus, ang pangangailangang iharap sa korte o sa husgado ang isang táong inaresto. Nililinaw na ang proteksiyong ibinibigay nitó ay hindi sa lahat ng paglabag sa karapatang pantao na nása saligang-batas, kundi iyong mga may kinalaman sa karapatang mabúhay, maging malaya, at magkaroon ng seguridad. Kabilang dito ang pananggalang laban sa hindi makatwirang paghúli’t pagsisiyasat, ang pagiging pribado ng komunikasyon at pakikipagtalastasan, ang kalayaang manirahan at maglakbay, ang karapatang magkaroon ng abogado sa panahon ng interogasyon, ang karapatan laban sa torture, pamumuwersa, pandarahas, pananakot, at iba pang paraan upang paaminin ang isang tao, at ang karapatan para sa makatarungan at makatáong pagturing sa mga bilanggo.
Noong 16 Hulyo 2007, kinilalang legal ng Punong Mahistradong Reynato S. Puno ang pagbubuo ng writ of amparo sa Filipinas sa makasaysayang Manila Hotel National Summit on Extrajudicial Killings and Forced Disappearances. Sinabi ni Puno na hiniram umano ang konsepto nitó sa Mexico, na naglahok nitó sa kanilang konstitusyon noon pang 1847, at kinilala ang writ of amparo bilang pananggaláng ng dignidad ng tao. Naipasá ang writ of amparo bilang isang resolusyon ng Korte Suprema ng Filipinas noong 25 Setyembre 2007 at naamyendahan naman noong 16 Oktubre 2007. Nabuo ang pagmumungkahi ng writ of amparo upang solusyunan ang tumitinding extrajudicial killing at ang tumataas na bilang ng mga desaparesido sa bansa simula noong 1999. (ECS)