wáling-wáling
Ang wáling-wáling (Vanda sanderiana), ay isa sa pinakamaganda at pinakapopular na uri o species ng dapo o orkidya (orchid) sa Filipinas. Malaki ang sukat at lubhang makulay ang mga bulaklak nitó. Dahil sa ganda, tinagu-rian ang Vanda sanderiana na “Reyna ng mga Orkidya” sa Filipinas. Sa katunayan, ginamit ng Philippine Orchid Society (POS) ang waling-waling bilang logo. Namumulaklak ang dapong ito mula Hulyo hanggang Oktubre, sa panahon ng tag-ulan, karaniwan nang tatlong linggo o higit pa pagkatapos ng malakas na pag-ulan. Batay dito, nagdiriwang ng taunang pagtatanghal ng mga dapo ang POS tuwing Agosto upang tumapat sa pamumulaklak ng napakagandang halamang ito. Nabubuhay ang waling-waling sa mga lugar na may sapat na lilim dahil nangangailangan ito ng proteksiyon laban sa matinding sikat ng araw. Ang Vanda sanderiana ay maaaring itanim sa pasô, maaaring ibitin, ilagay sa mga taniman ng pakô, o sa mga patáy na punongkahoy (drift wood).
Natuklasan ang waling-waling ni Heinrich Gustav Reicheinback, isang taxonomist na Aleman noong 1882 sa Mindanao. Mula noon, ito na ang pinakahanapíng bulak-lak sa Mindanao. Ang pagkatuklas sa halamang ito ay nagbunsod sa paglago ng produksiyon ng iba pang orkidya na may haluang lahi (hybrid), na sa ngayon ay bahagi ng mayamang industriya ng bulaklak sa buong mundo. May banta ng panganib sa patuloy na produksiyon ng waling-waling sa Filipinas. Dahil sa malawakang pagkaubos ng kagubatan sa Davao, Sultan Kudarat at iba pang lugar sa Mindanao, at dahil sa patuloy na pagkuha ng waling-waling para gawing specimen, marami na sa species na ito ang nawala. Sa ngayon, pinaniniwalaan na mas marami pa ang species ng waling-waling sa ibang bansang tulad ng Singapore, Thailand, Hong Kong, at Hawaii. (SSC)