Wenceslao Q. Vinzons
(28 Setyembre 1910–15 Hulyo 1942)
Si Wenceslao Quinito Vinzons (Wén·ses·law Ki·ní·to Vin·zons) ang isa sa mga unang Filipinong nag-organisa ng paglaban sa mga mananakop na Japanese, lider ng mga gerilya sa Bicol, at isa sa mga namumukod na kabataang politiko bago magkadigma.
Isinilang siyá noong 28 Setyembre 1910 kina Gabino Vinzons at Engracia Quinito sa Indan, Camarines Norte. Nagtamo siya ng mataas na karangalan nang magtapos ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1933. Bilang estudyante, naging editor siya ng Philippine Collegian at unang pangulo ng College Editors Guild. Isa siya sa mga nagtatag at naging pangulo ng Young Philippine Party, isang partidong pampolitika na binubuo ng mga kabataan at nagtaguyod sa unang batas para sa kasarinlan ng Filipinas. Nahalal siyang delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal noong 1934 at sumalungat sa panukalang palawakin ang kapangyarihan ng pangulo ng bansa. Sa edad na 24, siya ang pinakabatàng delegado sa kumbensiyon at pinakabatàng lumagda sa konstitusyon. Siya ang nagpanukala ng tadhana hinggil sa pagpili ng isang wikang katutubo bilang batayan ng Wikang Pambansa.
Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagtayô siya ng kilusang gerilya sa Bicol at pansamantalang napalaya ang Daet at iba pang bayan sa mga Japanese. Sa tulong ng isang gerilyang nagtaksil sa kilusan, nadakip siya at ang kaniyang ama ng mga Japanese at pinilit manumpa ng katapatan sa mananakop. Tumanggi si Vinzons, at noong 15 Hulyo 1942 ay binitay sa pamamagitan ng bayoneta. Isinunod patayin ang kaniyang ama, asawa, kapatid na babae, at dalawa sa mga anak.
Ipinangalan kay Vinzons ang sinilangang-bayan ng Indan sa Camarines Norte, pati ang isang mahalagang bulwagan sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. (PKJ)