Pura Villanueva-Kalaw
(27 Agosto 1886–21 Marso 1954)
Reyna ng kagandahan, manunulat, at lider suffragette, ipinanganak si Pura Villanueva (Pú·ra· Vil·yan·wé·va) noong 27 Agosto 1877 sa Arevalo, Iloilo kina Emilio Villanueva at Emilia Garcia. Dahil anak mayaman at maganda, mabilis siyáng hinangaan sa mataas na lipunan ng Iloilo at ng Maynila. Sa gulang na 22 taón, itinanghal siyáng“Unang Reyna ng Karnabal” sa Filipinas noong1908, isang titulo na katumbas ngayon ng “Binibining Filipinas.”
Pagsulat ang unang pag-ibig ni Pura. Nagwagi siyá ng mga premyo sa pagsulat pampanitikan sa Español sa Iloilo. Nag-ambag siyá ng artikulo sa El Tiempo, at pagkuwan ay naging editor ng seksiyon nitó para sa kababaihan. Kabilang sa mga inilathala niyang aklat ang Osmeña, from Newspaperman to President, Anthology of Filipino Women Writers, at Condimentos Indigenas.
Ngunit higit na nakilála si Pura bálang kampeon ng mga karapatan ng kababaihan. Noon pang 1906, inorganisa niya ang Asociacion Feminista Ilonga. Dahil sa pagiging suffragette o aktibista para sa karapatang bumoto ng kababaihan, nanirahan siyá sa Maynila. Inudyukan niya si Assemblyman Filemon Sotto ng Cebu na ipasok ang unang panukalang-batas para sa karapatang bumoto ng kababaihan noong 1907. Natálo ito ngunit hindi nagtugot si Pura sa kampanya. Noong 1921, ang mga Women’s Club sa buong bansa ay naging National Federation of Women’s Club at naglathala ng Women’s Outlook. Si Pura ang naging editor ng seksiyong Español at si Trinidad E. Legarda ang editor ng seksiyong Ingles. Nagwagi ang mga suffragette noong ipasá ang Commonwealth Act No. 34. Gayunman, kinailangang pagtibayin ito sa isang plebisito sa di-kukulanging 300,000 ng kababaihan. Si Pura ang nanguna sa kampanya ng mga Women’s Club at nagtagumpay noong 30 Abril 1937 dahil 492,725 ang kababaihang nagpunta sa pook botohan at 447,725 sa kanila ang bumoto para sa karapatang bumoto.
Ikinasal si Pura kay Teodoro Kalaw, isang bantog na iskolar at estadista, noong 6 Mayo 1910. Mga anak nilá sina Maria Kalaw-Katigbak na naging senador, Teodoro Jr. na negosyante at napangasawa si Senador Eva Estrada- Kalaw, Purita Kalaw-Ledesma na artist at art critic, at Evelina Kalaw-Pines na manganganta. Namatay si Pura sa atake sa puso noong 21 Marso 1954. (GVS)