Anthony Villanueva

(18 Marso 1945—)

Si Anthony Villanueva (An·to·ní Vil·yan·wé·va) ang unang boksingerong Filipino na nagkamit ng medalyang pilak sa Olympics, pinakamataas na karangalang nakamit ng bansa hanggang sa kasalukuyan sa palarong ito.

Noong 1964, nakapasok si Villanueva sa finals ng dibisyong featherweight sa Tokyo Olympics. Labinsiyam na taóng gulang pa lang siyá noon. Nakamit niya ang medalyang pilak sa pagkakatalo niya kay Charlie Brown. Ang kaniyang amang si Jose (Cely) Villanueva ay dati ring boksingero na nagkamit naman ng medalyang tanso sa Olympics noong 1932 sa dibisyong bantamweight.

Inabangan ng mga Filipino ang labanan para sa gintong medalya. Ngunit sa kasamaang-palad, mas naging pabor ang iskor sa kaniyang kalabang si Stanislav Stepashkin ng Soviet Union sa kabilâ ng kaniyang malalakas na suntok na nagpadugo sa ilong nitó. Isang kontrobersiyal na split decision ang iginawad ng mga hurado pabor kay Stepashkin.

Pagkaraan ng kaniyang panalo, pinasok ni Villanueva ang larangan ng pelikula. Pumirma siyá ng kontrata sa Santiago Productions para sa pelikulang Malakas, Kaliwa’t Kanan katambal ang aktres na si Nida Blanca. Lumabas din siyá sa pelikulang Salonga Brothers na pinagbidahan ni Joseph Estrada, at sa The Pancho Villa Story.

Hindi na lumaban sa amatyur si Villanueva pagkaraan ng kaniyang pagkapanalo sa Olympics. Pinasok niya ang propesyonal na mga laban na ginamit ng mga promoter para maengganyo ang maraming manonood dahil sa kaniyan kasikatan. Hindi siyá nagtagumpay at nang lumaon ay unti-unti na ring nalaos. Napabilang si Villanueva sa Philippine Sports Hall of Fame noong 26 Setyembre 1985. (EGN)

Cite this article as: Villanueva, Anthony. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/villanueva-anthony/