Pancho Villa

(1 Agosto 1901–14 Hulyo 1925)

Unang boksingerong Filipino na naging kampeong pandaigdig, Francisco Guilledo ang tunay niyang pangalan. Inampon siyá ng isang promoter na Americano sa boksing at pinangalanang Pancho Villa (Pán·tso Víl·ya) noong 1918.

Isinilang siyá noong 1 Agosto 1901 sa Ilog, Negros Occidental kina Rafael Guilledo at Maria Villaruel. Lumaki sa isang asyenda na trabahador ang kaniyang ina at tumutulong sa pag-aalaga ng mga kambing. Naglagalag siya at nakarating ng Maynila. Dito siya sumali sa boksing at pagkaraan lámang ng dalawang taon ay naging kampeon sa dibisyong flyweight ng Filipinas nang talunin niya si“Terrible Pondong.”

Nagtungo siyá sa Estados Unidos noong1922 at doon umani ng maraming tagumpay. Nanalo siyá sa una niyang laban kay Abe Goldstein ng Jersey City noong 7 Hunyo 1922. Pinabagsak din niya si Frankie Genaro noong22 Agosto 1922. Lalong sumikat si Villa nang matalo niya ang Americano na si Johnny Buff(John Lesky) noong 15 Setyembre 1922 sa ika-11 round. Naagaw niya kay Buff ang titulong American flyweight champion. Sinundan pa ito ng panalo niya kay Jimmy “Mighty Atom” Wilde ng Whales sa ikapitong round noong 18 Hunyo 1923 na dahilan upang tanghalin siya bilang bagong kampeong pandaigdig.

Noong Setyembre 1924, umuwi siyá sa Filipinas at isang parada sa kalakhang Maynila ang idinaos para sa kaniya. Pagbalik niya sa America ay inilaban siya kay Jimmy McLarnin na ginanap noong 4 Hulyo 1925 sa Oakland, California. Lumaban siya kahit namamaga ang ngipin. Malungkot ang laban dahil natalo siya at namatay sa ospital noong 14 Hulyo 1925 sa edad na 24 taon.

Noong 1961, ibinilang siyá ng Ring Magazine sa Hall of Fame, isang talaan ng mga dakilang boksingero sa daigdig. Siyá ang unang Filipinong napabilang dito. Noong 1994, pinarangalan siyáng International Boxing Hall of Fame. Siyá ang ikalawang Filipino na nakatanggap ng ganitong parangal pagkaraan ni Gabriel “Flash” Elorde. Noong 2002, natampok din siyáng ika-59 na pinakamagalíng na boksingero sa listahan ng Ring Magazine’s 80 Best Fighters of the Last 80 Years. (EGN)

Cite this article as: Villa, Pancho. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/villa-pancho/

Related Articles