Jose Garcia Villa

(5 Agosto 1908–7 Pebrero 1997)

Kinilalang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 1973 si Jose Garcia Villa (Ho·sé Garsí·ya Víl·ya). Isa siyang makata, mangangatha, kritiko, at kabílang sa unang henerasyon ng mga Filipinong manunulat sa wikang Ingles.

Kilala sa sagisag panulat na Doveglion, nagpakilala si Villa ng mga bagong pamamaraan sa pagtula. Napatanyag ang tinaguriang tulang kuwit o mga tulang ginagamitan ng bantas ng kuwit sa pagitan ng bawat salita. Nakilala rin ang kaniyang mga tulang may reversed consonance rime scheme. Ang mga pagbabagong ito ay makikita sa mga aklat ng tula niyang Have Come, Am Here (New York, 1942) at Volume Two(New York, 1949).

Ngunit estudyante pa lámang ay kontrobersiyal na siya. Ang “Man Songs” (1929), isang serye ng mga tulang erotiko, na nailathala sa UP Collegian at Philippines Herald ay agad na naging kontrobersiyal. Dahil sa pagbásang malaswa ang mga tula, nasuspinde siya sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagtungo siya sa Estados Unidos at doon nagsimulang makilala. Naisáma ang kaniyang “Untitled Story” (1932) sa antolohiya ni Edward J. O’Brien. Paguwi sa Filipinas, naging kontrobersiyal ang kaniyang pamimili ng tula at maikling kuwento. Ngunit maraming humanga sa kaniyang pamumuna. Nagkamit siya ng Pro Patria Award para sa panitikan noong 1961, at Heritage Award para sa tula at maikling kuwento noong 1962. Ginawaran siya ng honoris causa ng Far Eastern University noong 1959.

Siya ay isinilang noong 5 Agosto 1908 kina Dr. Simeon Villa at Guia Garcia sa Singalong, Maynila. Si Dr. Villa ay nagsilbi bilang Kolonel ni Hen. Emilio Aguinaldo noong Rebolusyong 1896. Nanatili sa New York si Villa, at paminsan-minsang bumabalik sa Filipinas para magturo o magbakasyon, hanggang sa siya ay pumanaw noong 7 Pebrero 1997 sa ospital ng St. Vincent, Manhattan. (RVR)

Cite this article as: Villa, Jose Garcia. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/villa-jose-garcia/