Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

Beníto S. Vergára

(23 Hunyo 1934—)

Si Beníto Vergára ay tanyag na dalubhasa sa pisyolohiya ng halaman at kilala sa kaniyang malawak na pananaliksik sa pagpapaunlad ng palay. Nagsilbi siyang siyentista, mananaliksik, at administrador ng International Rice Research Institute (IRRI) mula 1961 hanggang 1995. Pinalaganap ni Vergara ang makabagong siyensiya ng pagtatanim at wastong pag-aalaga ng palay sa pamamagitan ng kaniyang popular na librong A Farmer’s Primer on Growing Rice. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 2001.

Siyá ang unang nagpaunlad ng palay na maaaring mabuhay kahit baha. Nagsagawa rin siyá ng mga pag-aaral higgil sa pinakamainam ng paraan ng paglilinang ng sakahan, proseso ng pamumulaklak ng palay, at photoperiodism ng mga pananim. Ang mga pag-aaral na ito ay naging batayang panuntunan sa paglikha ng dalawang bagong uri ng komersiyal na palay na may mataas na ani.

Ang paglalathala ng librong A Farmer’s Primer on Growing Rice (1979) ang isa sa pinakamahalagang pamána ni Vergara sa agham ng pagsasakahan. Ang aklat na ito ay isang payak na manuskrito na naglalaman ng ilustrasyon at maiikling paliwanag. Nagawang palaganapin ni Vergara ang siyensiya ng pagtatanim ng palay at ilapit ito sa diwa ng karaniwang magsasaka. Bukod sa pananaliksik, si Vergara ay isang mahusay na administrador. Nagsilbi siyáng direktor para sa administrasyon ng IRRI hábang ginagawa niya ang mga pag-aaral sa palay.

Isinilang si Vergara noong 23 Hunyo 1934. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Siyensiya ng Botaniya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1955. Nag-aral siya sa University of Hawaii at nakapagtapos ng master sa Siyensiya ng Botaniya noong 1959. Nagtungo siyá sa University of Chicago upang tapusin ang doktorado sa Pisyolohiya ng Halaman. Matapos mag-aral sa Estados Unidos, nagbalik siyá ng Filipinas upang maging mananaliksik sa IRRI hanggang magretiro. (SMP)

Cite this article as: Vergara, Benito S.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/vergara-benito-s/