Andrea Veneracion
(11 Hunyo 1928–9 Hulyo 2013)
Isang propesor ng musika, master at konduktor ng koro, si Andrea Ofilada Veneracion (An·dre·yá O·fi·lá·da Ve·ne·ras·yón) ang kinikilalang internasyonal na awtoridad sa pag-awit na koro. Bumuo at namunò sa UP Madrigal Singers, na ngayon ay ang tanyag na Philippine Madrigal Singers (PMS) at premyado sa buong mundo sa larangan ng pag-awit na koro. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika (1999).
Itinatag niya ang PMS noong 1963. Ang madrigál ay paraan ng pag-awit na may maramihang tinig at kadalasan ay akapela, na umabot sa kasikatan sa Europa noong ika-16 at ika-17 siglo. Ang PMS o Madz ay unang nakilala sa daigdig sa kanilang pagtatanghal sa 2nd International Choral Festival sa Lincoln Center sa New York (1969) na pinuri ng mga kritiko. May dalawang gawad na ang PMS sa prestihiyosong Grand Prix sa European Grand Prix for Choral Singing (1997 at 2007). Kabílang sila sa dadalawang koro sa daigdig na nagwagi ng dalawang ulit sa European Grand Prix. Ang ikalawang koro ay ang A.P.Z. Tone Tomšic (2002 at 2008) ng Slovenia.
Kabílang sa mga tungkuling internasyonal niya ang pagiging pangalawang pangulo ng Asia ng Internasyonal na Federasyon para sa Musikang Koro noong 1990, artistikong Tagapangulo noong 1996 ng International Choral Festival sa Cagliari, Italy at tagapangulo sa International Choral Festival sa Taipei noong 2001. Ginawaran naman siyá ng Araw ng Maynila Award (1981), Parangal Diwa ng Lahi (2002); Director’s Award for Conductor of Best Contemporary Piece, Gorizia, Italy (1989); CCP Gawad sa Sining para sa Musika (1990), at Centennial Honors for the Arts (1999).
Ipinanganak siya noong 11 Hunyo 1928 at panganay sa pitóng supling nina Macario Ofilada at Raymunda Careaga. Nagtapos siya sa UP ng Batsilyer sa Musika, medyor sa Piyano at Tinig. Isang mahusay na manlalangoy din siya. Bahagi siya ng koponan ng bansa, unang lumabas ng bansa para sa internasyonal na kompetisyon, para lumahok sa palaruan sa Hong Kong. Si Dr. Felipe Veneracion na isang dentista ang kaniyang asawa, mayroon silang limang anak. Namatay si Veneracion noong 9 Hulyo 2013 sa edad na 85. (RVR)