Carmen C. Velasquez

(7 Agosto 1913–16 Oktubre 1994)

Si Carmen Velasquez (Kár·men Ve·lás·kez) ay kilalá sa kaniyang mga natatanging pananaliksik hinggil sa parasitolohiya ng mga isdang tropikal sa Filipinas. Natuklasan niya ang 32 bagong species at isang genus ng digenetic trematodes na matatagpuan sa 13 uri ng isdang katutubo sa bansa. Pinag-aralan rin niya ang paraan ng pamumuhay ng mga parasito at paano nakaaapekto ang mga ito sa buhay ng isdang tabang. Iginawad sa kaniya noong 1983 ang Pambansang Alagad ng Agham bilang pagkilalá sa kaniyang natatanging ambag sa larangan ng siyensiya ng parasitolohiya.

Sinimulan niya ang pag-aaral sa parasitolohiya ng isda noong hulíng bahagi ng 1930. Siya ang unang nagsaliksik sa Filipinas sa buhay ng monogenetic trematodes na kabílang sa pamilyang Capsalidae. Pinag-aralan rin niya at natuklasan ang mga bagong uri ng digenetic trematodes na matatagpuan lámang sa mga tropikal na isdang dagat at isdang tabang. Upang maging mas masinop ang mga susunod na pag-aaral sa parasite, sinulat niya ang librong Digenetic Trematodes of Philippine Fishes. Isa itong kalipunan ng iba’t ibang pag-aaral hinggil sa parasito ng isda at nagamit na batayang sanggunian sa pag-aaral ng parasitolohiya at pangangalaga ng pangisdaan sa Timog Silangang Asia.

Sinaliksik din ni Velasquez ang mga katangian ng parasitong cestodes o bulate na matatagpuan sa bituka ng isda. Nagsagawa siyá ng hiwalay na pananaliksik hinggil sa mga parasitikong copepad na matatagpuan sa hásang at bituka ng bangus, talakitok, banak, tilapya, maya-maya, at iba pang isdang karaniwang kinakain ng mga Filipino.

Si Velasquez ay isinilang noong 7 Agosto 1913 sa Bayambang, Pangasinan. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Zoolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas, master sa Zoolohiya sa University of Michigan, at doktorado ng Parasitolohiya sa UP Diliman. Nagpatuloy siyá ng pagsasanay sa University of Maryland upang maláman ang mga bagong proseso ng pagkilala at pagtatalâ sa mga parasito. Nagturo siyá ng zoolohiya at parasitolohiya sa UP at naging patnugot ng Asian Fisheries Science Journal at Philippine Science Encyclopedia. Namatay siya noong 16 Oktubre 1994. (SMP)

Cite this article as: Velasquez, Carmen C.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/velasquez-carmen-c/

Related Articles