Jose R. Velasco

(4 Pebrero 1916–24 Enero 2007)

Si Jose Velasco (Ho·sé Ve·lás·ko) ay kilalá sa kaniyang husay sa larangan ng pisyolohiya ng halaman. Ang walang pagod niyang paghahanap ng lunas upang malipol ang sakit na pumapatay sa punò ng niyog ang isa sa pinakamahalagang ambag niya sa siyensiyang pang-agrikultura at botaniya. Malaki ang naging kontribusyon niya sa paglinang ng siyensiya at teknolohiya sa pamamagitan ng kaniyang mga pananaliksik at bilang edukador at administrador. Kayâ noong 24 Marso 1998, iginawad kay Velasco ang Pambansang Alagad ng Agham.

Ang paghahanap ni Velasco ng lunas sa sakit ng niyog na kadang-kadang ang isa sa pinakamalaking pag-aaral na kaniyang ginawa. Noong 1958, nagimbal ang mga magsasaka ng niyog dahil pinapatay ng kadang-kadang ang kanilang tanim. Halos lahat ay naniniwalang ang naturang sakit ay dulot ng isang uri ng virus. Subalit hindi kumbinsido si Velasco. Naniniwala siyá na ang kadang-kadang ay mula sa isang elemento sa lupa na nakalalason sa punò ng niyog. Batay sa kaniyang obserbasyon, hindi kumakalat ang sakit nang itanim niya ang isang apektadong punò sa lupang malusog. Napagtibay niya na ang sakit na kadangkadang ay maaaring bunga ng abnormalidad sa kalidad ng lupa o dulot ng isang rare-earth na nakalalason.

Isinilang si Velasco noong 4 Pebrero 1916 sa Imus, Cavite. Natapos niya ang Batsilyer sa Siyensiya ng Agrikultural na Kemistri sa UP noong 1940. Nag-aral siyá sa University of California Berkeley at nakuha ang doktorado sa Pisyolohiya ng Halaman noong 1949. Kaagad siyáng bumalik sa UP Los Baños upang manungkulan bilang propesor sa pananaliksik, direktor sa pananaliksik, direktor sa instruksiyon, tagapangulo ng Kagawaran ng Botaniya, at patnugot ng The Philippine Agriculturist. Naging komisyoner siyá ng National Institute of Science and Technology at aktibong itinaguyod ang produksiyon ng de-latang gatâ ng niyog gamit ang mga katutubong materyales. Namatay siya noong 24 Enero 2007. (SMP)

Cite this article as: Velasco, Jose R.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/velasco-jose-r/