Ramón Valéra
(31 Agosto 1912–Setyembre 1972)
Kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Disenyong Pangmoda si Ramón Valéra noong 2006. Tinagurian siyang “Dekano ng Moda sa Filipinas.” Ang paggawa ng kasuotan ay iniangat ni Valera sa antas ng sining na nagbigay ng inspirasyon sa ilang henerasyon ng manlilikha at nag-ambag sa pagkakaroon ng natatanging disenyo at moda ng mga Filipino.
Itinuturing na ambag sa mga pambansang simbolo ang kaniyang likhang terno. Noong dekada 1940, lumikha ng pagbabago si Valera sa baro’t saya, ang kinikilalang pambansang kasuotan ng mga Filipina. Ang nakasanayang apat na pirasong kasuotan na binubuo ng baro, saya o tapis, naguwas, at panuwelo o alampay ay kaniyang pinagisa. Itinampok niya ang manggas at pinahapit ang baywang. Tinanggal din niya ang kalawit sa likod at pinalitan ng zipper upang isara ang kasuotan. Isinantabi rin niya ang mahabàng alampay na dati’y nakasampay sa balikat at nakatakip sa dibdib. Para sa marami, ito ay mapangahas. Ngunit dahil sa mga kabiyak ng mga prominenteng politikong tumangkilik nitó, gaya nina Gng. Claro M. Recto at Gng. Primitivo Lovina, naging bukás ang bansa sa bagong estilo—ang térno.
Natatangi ang mga obra ni Valera sa kahusayan at kasiningan ng pagkakalikha. Bukod sa pagpili ng materyal, pagsasáma- sáma ng kulay, detalyadong beadwork, paggamit ng sequin at iba pang palamuti, elemento, namumukod din ang kaniyang mga likha dahil sa tabas at tahi ng mga kasuotan. Kailangan lámang niyang tingnan at sukatan ang bibihisan at kahit walang padron ay alam na niya ang babagay dito.
Isinilang siya noong 31 Agosto 1912 sa isang nakaririwasang pamilya. Ang amang si Melecio Valera na tubòng Abra ay kasosyo ng milyonaryong negosyanteng si Vicente Madrigal. Ang inang si Pilar Oswald ang unang nakapansin sa likas na talino ni Valera. Nag-aral siya sa De la Salle University at Far Eastern University. (RVR)