Pio Valenzuela
(11 Hulyo 1869–6 Abril 1956)
Si Pio Valenzuela (Pí·yo Va·len·zwé·la) ay isang manggagamot at naging mataas na pinunô ng Katipunan. Bilang pagkilala sa kaniyang kabayanihan, ipinangalan sa kanya ang isang siyudad sa Metro Manila, ang Lungsod Valenzuela(dating Polo, Bulacan).
Sumapi siyá sa Katipunan noong Hulyo 1892, at halos sanlinggo pa lámang naitatayô noon ang lihim na kapatirang mapanghimagsik. Mabilis siyáng naging kaibigan ni Andres Bonifacio. Naging ninong siyá ng anak nina Andres at Gregoria at sa kaniyang bahay tumuloy ang mag-asawa nang masunog ang kanilang tahanan. Noong1896, isinugo din siyá sa Dapitan upang kausapin si Jose Rizal at talakayin ang suporta nitó para sa armadong himagsikan.
Nang natuklasan ng mga Español ang Katipunan, tumakas si Valenzuela sa Balintawak ngunit sumuko rin upang makamtan ang inaalok na amnestiya ng pamahalaang kolonyal. Ipinatapón siyá sa España at ipiniit sa Madrid, Malaga, Barcelona, at sa Africa. Nakulong siyá nang mahigit-kumulang dalawang taón.
Noong 1899, sa panahon ng pananakop ng Americano, itinalaga siyáng presidente municipal ng Polo. Naging pangulo siyá ng dibisyong militar ng Polo mula 1902 hanggang1919, kasabay ng kaniyang pagiging ehekutibong panlalawigan ng Bulacan. Noong 1921, naging gobernador siyá ng Bulacan.
Isinilang siyá noong 11 Hulyo 1869 sa Polo, Bulacan sa maykayang pamilya nina Francisco Valenzuela at Lorenza Alejandrino. Nag-aral siyá sa Colegio de San Juan de Letran, at nakamit ang lisensiya sa medisina mula sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1895. Nagkaroon siyá ng pitóng anak sa asawang si Marciana Castro. Pumanaw siyá noong 6 Abril 1956 sa kaniyang bayang sinilangan. (PKJ)