Úwang Ahádas
Si Úwang Ahádas ng Lamitan, Basilan ay pinagkalooban ng Gawad Manlililkha ng Bayan noong 2000 para sa kaniyang kahusayan sa pagtugtog ng mga instrumentong Yakan at malalim na kaalaman sa masining na posibilidad at panlipunang konteksto ng mga ito.
Malaki ang papel ng musikang instrumental sa buhay panlipunan at pang- agrikultura ng mga Yakan. Sa kabila nitó, hindi lahat ng pamilya ay may kakayahang magkaroon nitó. Malaking salapi rin ang kailangan upang mapanatili ang magandang kondisyon ng mga instrumento.
Bahagi ng tradisyon ng pamilya ni Uwang Ahadas ang musika. Katunayan, maaga silang hinikayat ng mga magulang na pag-aralan ang mga instrumentong Yakan. Natutuhan ni Uwang na tumugtog ng“gabbáng” (siloponong kahoy), sinundan ito ng“águng,” ang “kwintángan kayu,” at iba pang mga instrumento. Pagsapit niya ng edad 20, naging dalubhasa na siya sa pagtugtog ng mga instrumentong Yakan pati na rin ang kwintangan na batay sa tradisyon ay tinutugtog lámang ng mga babae.
Sa kabila ng kaniyang pagkadalubhasa, hindi pa rin sapat para kay Uwang ang naabot. Pinarangap niya ring magturo. Ninais niyang ibahagi sa mga kasáma sa komunidad, lalo na sa mga batà, ang kaniyang natutuhan. At hindi naging hadlang sa kaniya ang paglabo ng kaniyang paningin.
Mula sa pagtuturo sa kaniyang anak, nakarating na rin si Uwang lampas sa hanggahan ng bayan ng Lamitan upang maituro ang pagtugtog ng mga instrumentong musikal ng kaniyang mga ninuno. Naniniwala siyang kailangang turuan nang maaga ang mga batà hábang buo pa ang interes niláng matuto at madali pang sanayin ang kanilang mga kamay para sa paghawak ng mga instrumento. Nagsisimula nang magbunga ang kaniyang pagsisikap dahil ang mga naging estudyante niya ay nagiging mga guro na ngayon sa pagtugtog ng mga instrumentong musikal. (GB)