uwák

Ang uwák (pamilyang Corvidae) ay isang uri ng ibong kilaláng-kilalá dahil sa maitim na balahibo at karaniwang kinatatakutan dahil sa mga negatibong paniwala’t pamahiin hinggil sa katangian nitó. May dalawang species ng uwák sa Filipinas: ang Corvus enca at tinatawag sa Ingles na slender-billed crow at ang Corvus macrorhynchos at tinatawag sa Ingles na large-billed crow. Mas maliit ang Corvus enca, karaniwang lumilipad nang grupo, at maingay. Ang mas malaking Corvus macrorhynchos ay hindi pumapagaspas ang bagwis at oportunista sa pagkain—ibig sabihin, kumakain ng karne ng patay o buháy na hayop.

Ang uwák ay sagisag ng kamatayan at masamâng kapalaran sa mga pook na mayroon nitó. May alamat na ito at ang kalapati ay paboritong mga ibon ng bathala. Gayunman, nasubok ang ugali ng uwak sa panahon ng malaking bahâ. Inuutusan ito ng bathala upang magsiyasat kung humupa na ang tubig sa kapatagan. Nakita nitó ang mga bangkay ng tao at hayop at hindi nakapigil ang kahayukan sa la-man. Nainip ang bathala at inutusan ang kalapati. Nakita ng kalapati ang uwak na nanginginain sa mga bangkay at isinumbong ito sa bathala. Sa gayon, isinumpa itong maging itim ng bathala at itinakwil.

Marahil, konektado sa alamat na ito ang kawikaing “pag-putî ng uwak,/ pag-itim ng tagak” upang ipahiwatig na imposible ang isang bagay. Halimbawa, kapag hiningi ng binata ang puso ng dalaga at sumagot ang dalaga na “Pag-puti ng uwak,” nangangahulugang wala siyáng pag-asa sa panliligaw. Hinggil sa simbolo ng uwak bilang kamatayan, magandang basáhin ang nakasisindak na tulang “Uwak sa Aking Ulunan” ni Teo S. Baylen. (RRSC)

Cite this article as: uwák. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/uwak/