Dátu Úto
Isa sa kinikilálang makapangyarihang pinunòng Muslim at matapang na mandirigma si Dátu Úto(sirka 1860–1888). Anak siyá ni Sultan “Bangon” Marajanun ng Buayan at Tuan Bai Sa Buayan, na kapatid na babae ni Sultan“Untung” Quadratullah ng Magindanaw. Sa pamamagitan ng kasal ng kaniyang magulang ay napag-isa ang dalawang kahariang Magindanaw, ang “Sa-ilud” (luwasang kapatagan) at ang “Sa- Raya” (hulòng kapatagan) ng Ilog Pulangi. Ang buong pangalan niya ay Sultan Anwarud-din Uto at napabantog nang pamunuan niya ang pag-aalsa noong mga taóng 1860 na naging sagabal sa absolutong pananakop ng mga Español. Mahalagang tingnan ang búhay ng tulad ni Uto, ani Reynaldo C. Ileto (1971), bilang pagsisikap buuin ang sultanatong Magindanaw pagkaraan ng pamumunò ni Sultan Kudarat, hatiin ito ng mga away at ng panggugulo ng mga Español.
Una siyáng nasubok sa nabigong rebelyon ni Datu Maghuda noong 1861 at dito siyá nawalan ng isang matá. Nagsimula ang lahat noong 30 Abril 1861 at nagtirik ng bandilang Español sa kuta ng sultan ng Cotabato. Nag-alsa ang isang puwersa sa ilalim ni Datu Maghuda at noong1 Nobyembre 1861 ay hinarap ng isang pangkat ng Español. Tinawag din itong Masaker sa Pagalungan, dahil umaabot sa 200 ang namatay. Nabigo man ang rebelyon, sinundan pa ito ng ibang pag-aalsa.
Namatay noong 1872 ang kaniyang ama. Pumalit na pinunò ang kaniyang amain, ngunit si Datu Uto ang tunay na naghahawak ng kapangyarihan. Pinakasalan niya si Pajah Putri, anak ni Sultan Qudarat II. Gumawa rin siyá ng alyansa sa ibang mga pinunò at pinangasiwaan ang mga kalakalan sa paligid. Noong karurukan ng kaniyang lakas, sinasabing may 4,000-5,000 alipin siyá at malaking bilang ng armas. Pinagtuonan siyá ng kampanya ng mga Español. Noong Pebrero 1886, sa utos ng gobernador ng Mindanao na si Julio Serena ay winasak ang matandang tahanan ni Datu Uto sa Bakat. Sinundan ito ng mga madugong labanan. Noong ika-28 ng Marso, sumuko ang kampo ni Datu Uto. Hindi pinakinggan ang kaniyang mga petisyon. Hinarang ang kaniyang mga ruta ng kalakalan. Sa wakas, at sa upat ng mga Español, isa-isang nawala ang mga kapanalig ni Datu Uto. Naglahò siyá noong 1888 at hindi na narinig. (VSA)