usá

Ang usá ay alinman sa hayop na kabilang sa pamilyang Crevidae, karaniwang may sanga-sangang sungay ang lalaki, manipis ang buhok, at mabilis tumakbo. Ito ay mamalyang ngumunguya ng damo at dahon ng halaman bilang pagkain at may apat na dibisyon sa sikmura na di-nadaanan at pinag-iimbakan ng pagkain hanggang sa tuluyang matunaw.

Kada taon, tinutubuan ng panibagong sungay ang mga lalaki at ilang babaeng usa. Naiiba ang usa sa antelope dahil permanente na ang sungay ng hulí. Bago magsimula ang panahon ng paghahanap ng kapareha, ikinakaskas ng usa ang muràng sungay upang matanggal ang velvet, ang balát na nakabalot dito, upang maging ganap na buto ito. Matapos ang naturang panahon, nagpapalit ng sungay ang usa. Karaniwang tumitimbang ang usa mula 30 hanggang 300 kilogramo. Ang Northern Pudú, ang pinakamaliit na species, ay umaabot lamang ng 10 kilogramo. Ang moose, ang pinakamalaking uri naman, ay aabot sa 431 kilogramo.

Karaniwang may isa o dalawang anak ang babaeng usa. Ipinanganganak ang karamihan sa mga usa na may mga putîng batik sa balahibo. Sa unang dalawampung minuto ng kasisilang na usa, nagsisimula na itong maglakad-lakad. Dinidilaan naman ng babaeng usa ang katawan nitó hanggang sa mawala ang amoy upang hindi masundan ng mga kalaban. Nagtatago ang batàng usa sa damu-han nang isang linggo hanggang sa ang lakas ng binti nitó ay handa nang makipagsabayan sa inang usa. Nagsasáma ang ina at anak na usa nang isang taon. Karaniwang hindi na nakikita ng lalaking usa ang ina nitó habang ang mga babaeng usa naman ay bumabalik sa ina kasama ang mga anak ding usa upang bumuo ng maliit na kawan. Pinipilì ng usa ang mga pagkaing madalîng matunaw, gaya ng talbos, sariwang damo, malalambot na prutas, lumot, funggus, at sanga, dahil maliit lamang ang tiyan nitó at may mataas na pangangailangang nutrisyonal.

Ang nokturnal na Rusa Marianna, kilalá rin bilang Philippine sambar o Philippine brown deer, ay katutubong species ng Cervidae sa kagubatan at kapatagan ng Filipinas maliban sa Negros, Panay, Palawan, Sulu, Babuyan, at Batanes. Karaniwan itong may kulay na kayumanggi o abo habang putî ang ilalim ng buntot. Kasalukuyan itong inuuri ng IUCN bilang vulnerable. Tinatawag din ang usa na “mamung-ol,” “turok,” “agsa,” “bugsok,” “makiwa,” “pamurulan,” “saladeng,” “ugsa,” “ulsa” at “usali.” (KLL)

 

 

Cite this article as: usá. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/usa/