úpo

Ang úpo (Lagenaria siceraria) ay isang magaspang na baging na humahabà nang ilang metro. Ang dahon ay may 5 lihà o anggulo, may lapad na sampu hanggang 40 sentimetro, at mabuhok. Ang bulaklak ay putî, malaki, at hiwa-hiwalay. Ang bunga ay lungti, karaniwang hugis pamalo, at humahabà hanggang 80 sentimetro.

Sa kasaysayan ng agrikultura, ang upo ay isa sa mga unang nilinang ng mga tao hindi para maging pagkain kundi upang magsilbing sisidlan ng tubig. Isa ito sa mga karaniwang nililinang na gulay sa Filipinas. Popular ang bunga, dahon, at bulaklak bilang sangkap ng iba’t ibang putahe. Ito rin ay mapagkukunan ng iron, calcium, phosphorous, at bitamina B. Itinuturing na mainam sa puso; pangkontra sa lason, gamot sa lagnat, ubo, hika, at diyabetes; nag-papataas ng libido; pampaihi at pampapurga. Ang natuyong bunga ay ginagawang panghilod, sombrero, sisidlan, instrumentong musikal, at iba pa. Naglalaman ito ng cucurbitacins, isang kemikal na nagiging nakalalason sa mga cell ng katawan kapag naparami.

Laganap ito sa mga rehiyong tropikal at subtropikal sa mundo at pinaniniwalaang nagsimulang linangin sa Timog Africa. Itinatanim ito sa halos lahat ng bahagi ng Filipinas. Naturalisado sa ilang bahagi ng Mindanao. Ito ay kilala rin bilang buliangin, kalubai, labu, sikai, at tabungau. Sa Ingles, tinatawag na bottle gourd, calabash gourd, common gourd, white-flowered gourd, at white pumpkin. (KLL)

 

 

Cite this article as: úpo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/upo/