UP Church of the Holy Sacrifice
Ang Church of the Holy Sacrifice (Tserts ov da Hó·li Sák·ri·fáys) ay isang kapilya ng Simbahang Romano Katoliko sa kampus ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon. Mahalaga ito dahil sa disenyong arkitektural nitó, ang kapilya ang kauna-unahang pabilog na simbahan na may altar sa gitna sa buong bansa, at kaunaunahan ring magtaglay ng bubong na manipis na kongkretong kupola.
Produkto ang kapilya ng pagbubuklod ng talino ng limang Pambansang Alagad ng Sining. Kinomisyon ng dáting UP Diliman Chaplain Fr. John Delaney, S.J. ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Arkitektura Leandro Locsin upang lumikha ng disenyo para sa isang kapilyang bukás ang bentilasyon at káyang maglaman ng sanlibong tao. Tampok naman sa iba’t ibang bahagi ng simbahan ang obra ng mga Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal Arturo Luz (ang kaniyang River of Life sa sahig), Vicente Manansala at Ang Kiukok (ang via crucis), at Napoleon Abueva (krusipiho sa gitna ng simbahan na nakasabit mula sa kisame/ kupola, at nakalawit sa marmol na altar). Ang kilaláng inhenyerong si Alfredo Juinio ang nagsilbing structural engineer ng kapilya.
Idinaos ang unang misa sa simbahan noong 1955. Ipinahayag itong Pambansang Palatandaang Makasaysayan(National Historical Landmark) at Pambansang Yamang Pangkultura noong 2005. (PKJ)