Únang Sigáw
Ang “Únang Sigáw” ang simbolikong unang pagtatagpo ng mga Katipunero upang ipahayag ang Himagsikang1896 laban sa España. Maitutulad ito sa El Grito ng himagsikan sa Mexico. Isang kontrobersiya hanggang ngayon kung kailan at kung saan naganap ang Unang Sigaw. May panahong ipinagdiriwang ang Unang Sigaw sa Balintawak tuwing Agosto 26. Ngunit binago ito ng saliksik ni Teodoro A. Agoncillo (1956), na nagtakdang naganap ito sa Pugadlawin noong 23 Agosto 1896.
Nang malantad ang Katipunan noong 19 Agosto 1896 ay tumakas patungong Kalookan sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Procopio Bonifacio, at ilang pinunò kasabay ang isang pagpapatawag ng pangkalahatang pulong upang pag-usapan ang mga dapat gawin. Itinakda niya ang pulong sa Balintawak sa Agosto 24. Dumating sina Bonifacio sa Balintawak sa hatinggabi ng Agosto 19. Dumating kinabukasan, Agosto 20, si Pio Valenzuela. Noong hápon ng Agosto 21, umalis ang umaabot sa 500 Katipunero, kasáma nina Bonifacio, patungong Kangkong at natulog sa bakuran ni Apolonio Samson. Umalis sila ng Kangkong sa hapon ng Agosto 22 at dumating kinagabihan sa Pugadlawin sa bakuran ni Juan A. Ramos, anak ni Melchora Aquino.
Kinabukasan, Agosto 23, doon nilá idinaos ang pulong na nagpasiyang simulan ang himagsikan laban sa España sa Agosto 29. Sa pulong na iyon, tumindig si Bonifacio sa isang plataporma at nagpahayag: “Mga kapatid, nagkaisa táyong ituloy ang himagsikan. Sumusumpa ba kayóng itakwil ang pamahalaang umaapi sa atin?” Sabay-sabay na sumigaw ng “Opo!” ang mga Katipunero. “Kung ganoon,” patuloy ni Bonifacio, “ilabas ang inyong mga sedula at punitin upang patunayan ang ating pasiyang humawak ng sandata!” Inilabas ng mga Katipunero ang mga sedula at pinagpunit-punit. Pagkatapos, naluluha siláng sumigaw: “Mabuhay ang Filipinas! Mabuhay ang Katipunan!”
Iyon ang dramatisasyon ng Unang Sigaw, ayon kay Agoncillo. (VSA)