Únang Gínang

Ang Únang Gínang ang di-opisyal na tawag sa asawang babae ng lalaking pangulo ng Filipinas; tinatawag namang Unang Ginoo ang asawang lalaki ng babaeng pangulo ng bansa. Ang Unang Gínang din ang nagsisilbing tagapasinaya ng Malacañang, ang tirahan ng pangulo ng Filipinas.

Simula nang itatag ang Unang Republika ng bansa noong1899, may labindalawa nang naging únang gínang at isang unang ginoo. Pinakauna sa mga ito si Hilaria del Rosario-Aguinaldo na unang asawa ni Emilio Aguinaldo. Sinundan siya nina Aurora Aragon-Quezon, Pacencia Hidalgo-Laurel, Esperanza Limjap-Osmeña, Trinidad de Leon-Roxas, Victoria Quirino-Delgado, Luz Banzon- Magsaysay, Leonila Dimataga-Garcia, Evangelina Macaraeg- Macapagal, Imelda Romualdez-Marcos, Amelita Martinez-Ramos at Luisa Pimental-Estrada. Samantala, si Jose Miguel Tuason Arroyo naman ang katangi-tanging nakapaglingkod bilang unang ginoo ng bansa.

Maaaring sabihing pinakaimpluwensiyal sa mga naging unang ginang si Imelda Marcos na asawa ni Ferdinand E. Marcos, lalo pa’t nagsilbing pangulo ng bansa si Marcos sa loob ng mahigit dalawampung taon, at nagpatupad ng makasaysayang batas militar mulang 1972. Sa panahong ito nagkaroon ng makapangyarihang papel si Imelda sa pamahalaan ng kaniyang asawa. Siyá ay hinirang sa iba’t ibang posisyon gaya ng Gobernador ng Metropolitan Manila at Minister of Human Settlement. Noong 1978, si Imelda ay nahalal na kasapi ng Interim Batasang Pambansa bilang kinatawan ng National Capital Region. (ECS)

[cite]