Umalohókan
Ang umalohókan ay isang tao na may tungkuling ibalita sa madla ang anumang mahalagang pangyayari sa sinaunang lipunan ng Filipinas. Mahalaga ang papel ng umalohokan sa mga barangay dahil ang lahat ng pagpapahayag mula sa mga namumunò ng barangay o sa iba pang karatig na barangay ay maaari lamang ipakalat sa paraang oral. Kasama sa mga balitang ito ang mga bagong alituntunin na nabubuo ng datu ng bawat lugar. Ang umalohokan ang tumatakbo sa lahat ng sulok ng barangay upang ikalat ang balita o ang utos ng datu.
Ayon sa ilang historyador, ang umalohokan ay maaari ding piliin ng datu kung may kailangang paglilitis. Ang pamumunò ng umalohokan sa paraang ito ay natatapos sa pagpapahayag niya ng desisyon sa inihaing katanungan o hidwaan. Bumabalik na muli ang pamumunò sa datu. (CID)