Dioscoro L. Umali
(17 Nobyembre 1917–1 Hulyo 1992)
Si Dioscoro Umali (Di·yos·kó·ro U·má·li) ang tinaguriang “Ama ng Siyensiya sa Pagpapalahi ng Halaman sa Filipinas.” Pinangunahan niya ang pinakamahahalagang pananaliksik sa plant breeding upang makalikha ng mas mahusay na uri ng palay, mais, gulay, abaka, niyog, iba’t ibang butil, at palamuting halamang komersiyal. Isa rin siyáng batikang edukador, administrador, lingkod bayan, at itinuturing na kampeon ng maliliit na magsasaka at mangingisda. Dahil dito, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 11 Hulyo 1986.
Nagsimula ang seryosong pananaliksik sa pagpapalahi ng halaman sa Filipinas nang itatag ni Umali ang Division of Plant Breeding sa Unibersidad ng Pilipinas. Noong 1948, sinimulan niya ang paglikha ng iba’t ibang uri ng Doñas. Nagamit ang halamang ito sa buong Asia bilang premyadong palamuti sa loob ng tahanan at mga hardin. Makaraan ang dalawang taon, pinangunahan naman niya ang Abaca Varietal Improvement Program. Nakaliha siya ng hybrid na abaka na may kakayahang lumaban sa karaniwang peste at sakít. Kasabay nitó, sinimulan ni Umali ang pagpapalahi ng iba’t ibang butil ng palay at mais.
Si Umali ay maningning na ehemplo ng isang siyentistang may panlipunang malasakit. Sa ilalim ng kaniyang pamumunò, ang mga programa ng Kolehiyo ng Agrikultura sa UP ay tuwirang nagbigay lunas sa mga kongkretong suliranin ng maliliit na magsasaka at mangingisda. Pinalawak niya ang programang ekstensiyon ng UP at pinaunlad ang pagtatatag ng mga panlipunang laboratoryo sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas, at Bulacan.
Isinilang si Umali noong 17 Nobyembre sa Laguna at anak nina Kapitan Cesario Umali at Edilberta Gana Lopez. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Agronomiya sa UP noong 1939 at kaagad nagturo ng kemistri at agronomiya. Noong 1946, ipinadalá siyá sa Cornell University bilang isang University Fellow at nagtapos ng doktorado sa Genetics at Plant Breeding noong 1949. Kaagad siyáng nagbalik sa Filipinas upang ipagpatuloy ang pagtuturo at pananaliksik. Ginugol ni Umali ang kaniyang búhay sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa Filipinas. (SMP)