uláng

Isang krustaseong na-kakain ang uláng sa pamilyang Nephropidae. Tinatawag din itong “banagán” o “pitík-pitík” at tinatawag sa Ingles na lobster, crayfish, o crawfish. Tulad ng sugpo, nababalutian ito ng makapal na kaliskis sa ibabaw ng katawan at may limang pares ng galamay. Dalawa sa mga galamay ang tinatawag na “sípit,” kahawig ng sípit ng alimango, malalaki at higit na matigas ang balát, at ginagamit sa pagkuha ng pagkain.

Isang mamahaling pagkain ang uláng. Ang uláng sa tubig-tabáng ay pambihira na kayâ maituturing na espesyal sa restorang nakapagdudulot ng sinigang nitó. Isang kainan sa Malolos ang dinadayo dahil sa putaheng ito at kailangang magpareserba dahil limitado ang suplay ng ulang at malimit na walang húli. (VSA)

 

Cite this article as: uláng. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ulang/