tutubí
Ang tutubí (order Odonata) ay alinman sa mga kulisap na may malaking matá, payat, at mahabàng tiyan, at ka-raniwang nakabuka ang pakpak kahit nakadapo. Nabibiang ito sa suborder na Epiprocta, at infraorder na Anisoptera na ang ibig sabihin ay hindi pantay na pakpak dahil mas malapad ang mga pakpak nitó sa likod kaysa harap. Ang mga malaking matá ng tutubi ay sumasakop sa halos kalahati ng mukha at mayroong dalawang pares ng transparent na pakpak at pahabâng katawan.
Kapag batà pa, madalas itong mapagkamalang damselfly dahil halos kamukha ito. Napapansin na lamang ang pag-kakaiba kapag tumanda na dahil hindi nitó itinitiklop ang mga pakpak kahit hindi lumilipad. Mayroon itong anim na paa ngunit karamihan ay mahihina at hindi nagagamit sa paglakad. Isa sa pinakamabilis na insekto sa buong mundo, nakalilipad ito sa bilis at layò na 4.5 metro kada segundo.
Naninirahan ang mga tutubi malapit sa mga pinak, lawa, labak, batis, at mamasâ-masâng lugar dahil dito lumalaki ang mga uod na naninirahan sa tubig. Kumakain ito ng lamok at iba pang maliliit ng insekto tulad ng langaw, bubuyog, langgam, putakti, at paruparo. Iniiwasan na-man nitóng makain ng mga ibon, butiki, palaka, gagamba, isda, at iba pang malalaking insekto. Nagsisimula ang buhay ng tutubi mula sa itlog na inilalabas ng babaeng tutubi. Dumadapo ito sa mga halamang nakaungos sa tubig tuwing nangingitlog. Kapag napisâ, nagiging nimpa ito o uod na naninirahan sa tubig nang dalawang buwan hanggang tatlong taon bagaman mayroong ilang uri na aabot hanggang limang taon. Kumakain ito ng kiti- kiti, butete, at maliliit na isda. Kapag handa nang maging tutubi, aakyat muli ito sa mga halaman palabas sa tubig upang makasagap ng hangin at magsimulang huminga. Mahahati naman ang balát nitó sa likod ng ulo at lum-alabas ang bagong insekto. Unti-unti nitóng ikakampay ang mga pakpak at magsisimulang manginain ng maliliit na insekto. Nakalilipad ang tutubi sa anim na direksyon; pataas at pababâ, pasulong, paatras at pagilid (kanan o kaliwa). Ang tigulang ay maaaring mabuhay mula lima hanggang anim na buwan.
Sa Europa, sinisimbolo ng tutubi ang kamalasan at kasamaan. Para sa ibang kultura naman, tulad ng mga tribu sa America, ito ay simbolo ng pagiging matulin at dalisay na tubig; sa bansang Japan, bilang hudyat ng tag-init at taglagas at simbolo ng tapang, lakas, at ligaya kayâ madalas lumabas sa mga haiku. Sa Filipinas, isa itong pabori-tong laruin ng mga batà sa pamamagitan ng pagtatali ng sinulid sa puwit nitó o kayâ pagsisilid sa malinaw na garapon at pagkaraan ay pakakawalan. Inuuri din ang tutubi: tutubing kalabaw kapag malaki ang puwit ng naturang insekto at tutubing karayom naman kapag manipis ang puwitan. Tinatawag din itong alidung-dong, alindanaw, atibagos, handanaw, tapodi, tawato, tulang, at tumbak-tumbak. (KLL) ed VSA