tuna
Ang isdang túna ay kabilang sa pamilya Scombridae. Matatagpuan sa tropiko at sub-tropikong karagatan. May mga naninirahan sa baybay at may iba namang nása malalalim na bahagi ng dagat. Matuling lumangoy at kilalá ang tuna na naglalakbay sa malalayòng karagatan.
Maraming espesye ng tuna at isa sa mga ito na matatagpuan sa Filipinas ay ang Thunnus albacares. Ito ay may napakahabàng ikalawang palikpik sa likod at puwit, na maaaring umabot sa 20 porsiyento ng habà ng katawan. Ang palikpik sa likod ay may 11-14 kabuoang bilang ng tinik. Medyo mahabà ang palikpik sa pektoral at kadala-san ay lampas sa ikalawang palikpik sa likod, pero hindi lalampas sa dulo nitó. Ang kulay ay maitim at madilim na asul hanggang dilaw at pilak sa may tiyan. Malimit ay may 20 hatihating linya sa tiyan. Ang palik-pik sa likod at puwit ay matingkad na dilaw. Ang karaniwang habà ay 150 sentimetro at ang pinakamahabàng naitalâ ay 239 sentimetro. Ang pinakamabigat ay 200 kilo at ang pinakamatandang naibalita ay may edad na siyam na taon. Matatagpuan sa buong mundo, maliban sa dagat ng Mediterranean.
Ang tuna ay namamalagi sa ibabaw ng karagatan at bihirang makita malapit sa mga tangrib. Ang magkakasinlaki ay nagsasáma-sámang lumangoy. Kumakain ng isda, krustaseo, at pusit. Ang pangingitlog ay kadalasang nangyayari sa panahon ng tag-araw. Ang itlog at larva ay lumulutang sa ibabaw ng tubig. Ito ay sensitibo sa mababàng level ng oksiheno ng tubig kung kayâ’t hindi ito nahuhúli ng mas malalim pa sa 250 metro. Ito ay maaring hulihin sa pamamagitan ng bingwit at pukot. Napakahalagang isda at kadalasang ibinebenta nang sariwa, nakalagay sa yelo, de-lata, at pinausukan. Ginagawa rin itong sashimi. Ang tuna ay kabilang sa talaan ng “Lubhang mapaglakbay na uri,” sa Annex I, 1982 Con-vention on the Law of the Sea. (MA) ed VSA