Tulisán

Ang tulisán ay taguri sa mga bandido, mandarambong, o magnanakaw.

Sa kasaysayang postkolonyal ng Filipinas, tulisan din ang salitang ginamit upang bigyang-katangian ang pakikibáka sa labas ng kaayusang panlipunan. Ipinag-iba ang tulisan sa mga tirong sapagkat ang hulí umano’y kadalasang may mahigpit na ugnayan pa rin sa pamayanan at kadalasan ay makikita pa rin ang mga itong naninirahan sa pamayanang kinabibilangan nilá. Samantala, tinatawag namang taong-labas ang mga tulisan sapagkat naninirahan na silá sa labas ng dating kinabilanggang sistema o komunidad.

Tulad ng mga halimbawa sa nobela ni Rizal, marami sa mga tulisan ang biktima ng abuso at napilitang mamundok upang maghiganti o upang makaiwas sa walangkatarungang parusa. Kahit noong panahon ng kolonyalismong Americano, ipinamarali ng mga Americano na ang mga Filipinong lumaban sa kanila noong 1899 hanggang1901 ay puro mga tulisan. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Hukbong Mapagpalaya ng Bayan, mula sa pagiging hukbo ng gerilya laban sa pananakop ay itinuring na mga tulisan kayâ nauwi sa hukbong mapaghimagsik laban sa pamahalaan.

Sa aklat ni Jose P. Santos noong 1936 na Ang Tatlong Napabantog na Tulisan sa Pilipinas, itinampok bilang tanong kung bayani o tulisan sina Tangkad, Apong Ipe, at Macario Sakay. Dalawa sa pinakabantog na akdang Filipino na nagtatampok ng tulisan bilang pangunahing tauhan ang nobela ni Patricio Mariano na Juan Masili o ang Pinuno ng Tulisan na nalimbag noong 1906, at ang epiko o nobelang patula ni Florentino Collantes na Ang Tulisan na una namang nalathala noong 1936. Komplikado ang taguring tulisan sapagkat laging kakabit ng determinasyon nitó ang pagkilála sa may hawak ng kapangyarihan o ng namamayaning kaayusan. (ECS) ed VSA

Tinatawag naman itong dugáng ng mga Ilokano.

Cite this article as: Tulisan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tulisan/