tulíngan

Ang tulíngan ay isdang kabilang sa pamilyang Scombridae. Ito ay matatagpuan sa tropiko at sub-tropikong karagatan ng Atlantiko, Indian, at Pasipiko. Ito ay naglalakbay sa malalayòng bahagi ng karagatan. Ang halimbawa ng uring na matatagpuan sa Filipinas ay Auxis rochei rochei, Auxis thazard thazard, Euthynnus affinis, at Katsuwonus pelamis.

Ang katawan ng tulíngan ay pahabâ, patulis sa dulo, at katamtamang siksik. May tulis na nguso, malaking bibig, ang ngipin ay maliliit at koniko na nása isang hanay. May 9-12 tinik sa likod at walang tinik sa puwit. Ang palikpik sa pektoral ay maikli. May isang malaking patulis na kampay sa pagitan ng palikpik sa katawan. Hubad ang katawan at ang buntot ay magkahiwalay. May matibay na kilya sa bawat bahagi ng ibabâng buntot, sa pagitan ng dalawang maliliit na kilya Ang likod ay mala-bughaw na nagiging lila o halos itim sa ulo. Ang tiyan ay putî. Ang palikpik sa pektoral at katawan ay kulay lila at ang tagiliran ay itim.

Ang tulíngan ay makikita sa lawak ng karagatan pero naglalagi malapit sa pampang. Ang tigulang ay hinuhúli sa baybayin at paligid ng isla. Ang itlog at larba ay nása ibabaw ng tubig. Karaniwang lumalangoy nang magkakasáma at ang Euthynnus affinis ay nakikigrupo sa ibang specie ng pamilyang Scombridae, kadalasan ay binubuo ng 100 hanggang 5,000 isda.

Kumakain ito ng maliliit na isdang tulad ng dilis, alimasag at pusit. Ito ay kinakain din ng malalaking isdang gaya ng ibang klase ng tuna. Naitalâ ang pinakamalaking Auxis thazard thazard na may sukat na 65 sentimetro samantalang ang pinakamabigat ay 1.72 kilo at ang pinakamatanda ay 5 taon.

Ang tulíngan ay hinuhúli sa pamamagitan ng pangulong, basnig, pante, galagad, bingwit, at payaw. Ibinebenta ito nang sariwa, elado, tuyo, inasnan, pinausukan, at de lata. Dahil ito ay naglalakbay sa malalayòng karagatan, itinuturing ito na kabilang sa mga isdang tinutukoy sa Annex I ng 1982 Convention on the Law of the Sea. (MA)

 

 

Cite this article as: tulíngan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tulingan/