tukál
Ang tukál, na kilála ring hasinto, pulaw, o water hyacinth sa Ingles, ay isang halamang tubig (Eichhornia crassipes). Biluhaba ang dahon nitó, may mapipintog na tangkay, mabalahibong mga ugat, mga bulaklak na asul o lila, at hugis itlog na mga buto. Bantog ang tukal bilang isang invasive species o naninirà ng iba pang halaman dahil sa bilis nitóng dumami sa isang lugar.
Isang mainam na pagkukunan ng biomass ang mga tukal dahil na rin sa bilis nitóng dumami. Natural namang hinihigop ng mga ugat ng tukal ang mga pollutant, tulad ng lead, mercury at organic compounds na nakadudulot ng kan-ser, kayâ mainam ito sa paglilinis ng mga maruming tubig. Sa ibang bansa, iginugulay ang ilang bahagi ng tukal, ipinanggagamot sa ilang sakit, at ginagamit bilang materyales sa paggawa ng mga bag, pisi, at iba pa. (MJCT) ed VSA