Tsíno

Tumutukoy ang Tsíno (mula sa Español na chino) sa wika, kultura, at tao na may lahing mula sa Tsína (China). Isang higit na popular na tawag ang Intsík, ngunit mainam iwasan dahil malimit na gamitin ito nang may bahid ng mapanghamak na layunin. Katulad ito ng nakamihasnang pagtawag na “Móro” sa lahat ng Muslim at pamana ng gayunding mapanghamak na pagtukoy noon ng mga kolonyalistang Español sa sinumang Muslim.

Tinatawag ding“Sángley” ang mga Chino, at nagbuhat diumano ito sa“seng-li” na nangangahulugang makipagkalakalan. Marahil, ito ang sinasabi ng mga mangangalakal na Chino noon kapag dumaong silá sa Filipinas. Ibig nilang makipagpalitan ng kalakal. Ang nahuhukay ngayong kagila-gilalas na bilang at uri ng porselana’t luad na tapayan at banga ay pruweba ng sinauna’t matalik na kalakalan ng mga Filipino at mga Chino. Sa Intramuros, sa panahon ng pananakop, bukod sa mga Sangley ay naging mahalagang manggagawa ang mga Chino na mason, panday, karpintero, panadero, kusinero, manlilimbag, barbero, labandero, at tindero. Natigib ang parian sa mga serbisyong ito at lumigwak hanggang sa ibayo ng Pasig at sa pook na sinasakop ng Chinatown ngayon sa Maynila.

Malaking bahagi ng kulturang Filipino ang nakaugat sa Chino. Chino ang mga katawagan ng paggalang na gaya ng ate, sanse, kuya, sangko, at diko; at kaipala kahit ang kaugnay na mga hálagáhang pampamilya, gaya ng malakihang pagkakamag-anak. Namihasa na rin ang panlasang Filipino sa mga pagkaing Chino na lumpiyâ, pansít, siyópaw, hopyà, tókwa, at napakarami pa. Malaking bahagi ng bokabularyo ng mga wika ng Filipinas ay mga salitâ mulang Chino, bukod sa hindi maikakaila ang impluwensiyang Chino sa sining na gumamit ng talinong Chino noong panahon ng Español. (VSA)

Cite this article as: Tsino. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tsino/