tsampáka

Ang tsampáka ay isang uri ng punòng namumulaklak na nagmula sa pamilyang Magnoliaceae. Ang siyentipikong katawagan dito ay Michelia champaca at kilalá sa Ingles sa tawag na joy perfume tree. Ito ay unang tumubò sa timog-silangan ng Asia. Ang bulaklak nitò na kulay dilaw at may laking 4-5 sentimetro ay pinagmumulan ng mabangong amoy. Ang kabuuang punò nitó ay tumutubò ng may taas na anim na metro o higit pa. Ang balát ng punò o banakal ay makinis at kulay abuhin, malambot ang kahoy na mapulá sa bandáng gitna, at may kulay putîng dagta.

Ang pagkakaroon ng kakaibang bulaklak na pinagmumulan ng mabangong amoy ay dahilan sa pagpaparami nitó. Ang bulaklak ay ginagamit rin sa paggawa ng kuwintas at palamuti. Maaari ring gawing pabango sa buhok ang katas nitó. Bukod sa bulaklak, ang tankay, balát ng punò, dahon at ugat ng punòng tsampaka ay ginagamit rin upang ipanggamot sa mga karamdaman. Pinagkukunan ng mahalagang sangkap ang bulaklak ng tsampaka para sa paggawa ng pabango. Ang kahoy mula sa punò nitó ay maaaring gamitin para sa pag-uukit (wood carving) at para sa mga laruan.

Ang pinakuluang dahon ng punò ay maaaring ipangga-mot sa lagnat. Ang buto ng bulaklak ay lunas sa sakit sa tuhod at rayuma, at maging sa pagpapagalíng ng mga su-gat sa paa. Ang pinakuluang bulaklak, buto, at banakal ay ginagamit para sa aborsiyon. Sa India, ang bagong usbong ng bulaklak ay sinasabing nakapagpapagalíng ng diyabetes at sakit sa bato. Ang balát ng punò o banakal ay maaaring pagkunan ng langis, resin, tannin, at iba pa. May mga pananaliksik na nagpatunay na isang alkaloid o kemikal na tinawag na Champacol, isang camphor, ay makukuha mula sa kahoy ng halamang ito sa pamamagitan ng distilasyon (SSC).

 

Cite this article as: tsampáka. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tsampaka/