tsaáng-gúbat

Ang tsaáng-gúbat (Carmona retusa) ay isang tuwid na palumpong, tumataas nang isa hanggang apat na metro. Ang mga dahon ay magkakakumpol sa maiikling sanga, biluhaba, nalilihà ang dulo, at patulis ang bahaging nakadikit sa mga tangkay. Ang bulaklak ay putî, maliit, at magka-kahiwalay. Ang bunga ay malaman at may matigas na buto sa gitna, bilugan, at mamulá-mulá na nagiging manila-nilaw sa paglipas ng panahon.

Itinuturing na mainam itongpantanggal ng kirot, pamamaga, hilab ng tiyan, diyabetes, at pangontra ng mikrobyo at mutagen. Ang dahon ay ginagawang tsaa. Ang pinakuluang dahon ay mainam din sa ubo, pagtatae, at iti at ginagamit ding bi-lang pangmumog at disinfectant matapos ang panganganak. Ang pinakuluang ugat ay gamot laban sa lason.

Matatagpuan sa halos lahat ng probinsiya sa Filipinas, lalo na sa mga mababà at katamtamang taas na kagubatan. Matatagpuan din sa India, China at Taiwan. Ito ay kilalá rin bilang alangit, alangitngit, balingsaa, buntatai, buyo-buyo, buyok-buyok, gari, itsanga-atap, itsa-tibakir, itsa, kalamoga, kalimomog, mangit, mara-mara, maratia, palupo, putputai, at santing. Sa Ingles, tinatawag namang Fukien tea tree, Philippine tea tree, scorpion bush, at wild tea. (KLL) ed VSA

 

Cite this article as: tsaáng-gúbat. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tsaang-gubat/