Gavino C. Trono Jr.
(1931– )
Isang biyolohista si Gavino Cajulao Trono Jr. (Ga·ví·no Ka·hu·law Tró·no jún·yor) na kinilála bílang Pambansang Siyentista ng Filipinas sa larang ng Agham Marino na nakatuon sa saribúhay ng damong-dagat. Siya ang may-akda ng dalawang- tomong pinakamahalagang aklat sa bansa na nakatuon sa florang damong-dagat: ang Field Guide and Atlas of the Seaweed Resources of the Philippines[Gabay sa Larangan at Atlas ng mga Yamang Damong-Dagat ng Filipinas]. Siya rin ang nagtatag ng pinakamalaking phycological herbarium sa bansa, ang G.T. Velasquez Herbarium.
Nagtapos si Trono ng BS Botanika sa Unibersidad ng Pilipinas, masterado sa botanikang pang-agrikultura sa Araneta University, at doktorado sa botanika sa University of Hawaii. Nakatuon ang mga pag-aaral ni Trono sa Eucheuma denticulatum, Kappaphycus alvarezii, Gracilaria spp., Caulerpa lentillifera, at Halymenia durvillei para sa mga pamayanang nása baybay-dagat. Pinangunahan ni Trono ang pagtataya sa mga baybay-dagat ng Kanlurang Mindanao para sa pagpaparami ng damong-dagat, at nakatuklas ng 25 bagong benthic algae ng marina. Nakapaglathala siya ng 142 papel na binubuo ng 20 ISI at 120 papel na teknikal.
Noong 2006, nauna nang kinilala si Trono ng Asia Pacific Society of Applied Phycology, at iniluklok bílang akademiko ng National Academy of Science and Technology(NAST) noong 2008. Kasalukuyang kasangguning teknikal si Trono para sa Food and Agricultural Organization(FAO) Aquaculture Seaweed Research and Development, at propesor emeritus sa Marine Science Institute ng Unibersidad ng Pilipinas.