trépang

Trépang ang tawag sa pinatuyo o pinrosesong balát, pangalang Bisaya sa lamandagat na kabilang sa grupo ng ho-lothuria. Mahigit 300 taon nang ibinebenta ang trépang mula Japan at mga bansa sa timog silangang Asia patungong China.

Ang balát o sea cucumber sa Ingles ay makikita sa halos lahat ng isla sa Filipinas. Bagaman ang estadistika ng pangangalakal ay una lámang nailathala sa Filipinas noong 1970, halos 100 taon na rin ang nakakalipas simula nang mangolekta at magproseso nitó sa bansa. Ang specie na kinokolekta at ibinebenta sa ibang bansa ay ang Holothuria scabra, Bohadschia marmorata, Actinopyga lecanora, Holothuria fuscocinera, Holothuria atra at Stichopus hermanni. Ang pinakamataas na presyo ay Actinopyga lecanora, Holothuria nobilis, H. whitmaei, H. scabra at Stichopus spp. Mas murang klase naman ang H. coluber, H. fuscocinera at Pearsonothuria graeffei. Ang pinakamalaking produksiyon ng trépang ay nása Lungsod Zamboanga sa Mindanao at Puerto Princesa sa Palawan.

Kulay abo o itim ang itaas ng katawan ng balát na kada-lasan ay may pahalang na lupi at ang ibabâ ay maputla. Ang katawan ay matigas at matibay. Tinatayâ na ang pinakamahabàng balát ay may súkat na 50 sentimetro. Makikita sa loob ng tangrib, baybaying apektado ng latak at sa pagitan ng mga lusayan at bakawan. Ito ay kinokolekta kapag mababà ang tubig, kadalasan sa gabi. Ang pangongolekta ay sa pamamagitan ng kamay hábang naglalakad sa baybayin na may tangang lampara. Mga babae ang kadalasang nangangalap ng baláat sa mababaw na tubig hábang ang mga lalaki naman ay sumisisid at minsan ay gamit ang kompresor para marating ang malalalim na bahagi ng dagat.

Ang balát ay iniluluto kasáma ang gulay at karne. Ang mamahaling klase ay ginagamit bilang pangunahing ulam samantalang ang murang klase naman ay ginagawa lámang na pansangkap. Ang pagtaas ng pangangailangan at kakulangan ng sapat na pamamahala ng karagatan sa maraming mga bansa ay nagdulot ng malubhang pagkawala ng mga mahalagang uri ng balát. (MA)

 

Cite this article as: trépang. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/trepang/