Isidoro Torres

(10 Abril 1866-5 Disyembre 1928)

Si Isidóro Tórres ay isang heneral sa Himagsikang Filipino. Kasapi siyá ng Katipunan at kilalá sa kaniyang grupo bilang “Matang Lawin.” Isa siyang mahusay na lider at estratego ng mga rebolusyonaryo.

Isinilang siyá noong 10 Abril 1866 sa Matimbo, Malolos, Bulacan kina Florencio Torres at Maria Dayao. Nag-aral siyá ng cartilla sa ilalim ni Maestro Jose Reyes, at nag-aral ng gramatika sa Malolos. Nakapagtapos siyá ng sekundarya sa Colegio de San Juan de Letran, at ng bachiller en artes sa Universidad de Santo Tomas.

Noong 1882, nasangkot siyá sa pagpatay kay Padre Moises Santos, ang paring nagpataw ng mataas na bayarin sa simbahan. Napawalang-sala din siyá dahil sa reputasyon at impluwensiya ng kaniyang pamilya.

Naging cabeza de barangay siyá mula 1890 hanggang1892. Hábang nása naturang katungkulan, sumali din siyá sa Katipunan. Kasáma sina Deodato Arellano, Doroteo Karagdag, Juan de Leon, at Manuel Crisostomo, binuo niya ang Sangguniang Lalawigang Balangay Apoy, ang sangay ng Katipunan sa Bulacan. Nang matuklasan ang kilusang rebolusyonaryo, nagtungo siyá sa Masukol, Paombong, Bulacan at doon tinipon ang 3000 tauhan mula sa Hagonoy at Tondo.

Naging mahusay siyáng lider at estratego ng mga rebolusyonaryo: naharang niya ang mga Español sa Ilog ng Masukol noong20 Nobyembre 1896; naging koronel matapos ang labanan sa Biak-na-Bato; naging brigadier general noong Hunyo 2897; nakuha ang Macabebe, Pampanga kasáma si Heneral Geronimo noong 3 Hulyo 1898. Naging kinatawan siyá ng Balabac sa Kongresong Malolos, lumaban sa Maynila sa ilalim ni Heneral Antonio Luna, at hinirang na gobernador militar ng Bulacan.

Nang muling pumayapa sa Bulacan, inalok siyá ng puwestong gobernador ngunit tinanggihan niya ito. Sa halip, nagpunta siya sa Singapore, at pagkaraan sa Japan. Bumalik siyá sa bansa noong 1903 at nanirahan sa San Antonio, Nueva Ecija kasáma ang asawang si Amelia Bernabe. Naging justice of peace siyá mula 1910 hanggang 1912. Naluklok siya bilang konsehal at pagkaraan bilang kinatawan sa Philippine Assembly.

Namatay siyá noong 5 Disyembre 1928. Sinaliksik ng National Historical Commission ang tungkol sa kaniyang buhay, at nagpasinaya ng isang marker sa lugar ng kaniyang kapanganakan. (KLL)

Cite this article as: Torres, Isidoro. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/torres-isidoro/