Serapion Torre

(14 Nobyembre 1892-1942)

Si Serapion Cuartel Torre (Se•ráp•yon Ku•war•tél Tó•re) ay isang nobelista, mandudula, at makata. Kinilála siyá bilang“Ama ng Modernong Panitikang Ilonggo.”

Isinilang siyá sa Mandurriao, Iloilo kina Victorino Torre at Isabel Cuartel. Nag-aral siyá sa Escuela Parroquial ng Mandurriao, at pagkatapos ay sa paaralang intermedya sa Iloilo, at sa Instituto de Molo. Nagtapos siyá batsilyer sa Liceo de Manila, nag-aral sa University of Santo Tomas ng kursong dentistri ngunit hindi ito natapos. Ikinasal siyá kay Maria Melliza noong 1915 at muling ikinasal kay Ester Sison.

Sumulat siyá ng anim na dula. Dalawa dito ang sarsuwela, ang Sayup nga Ikamatay (Isang Nakamamatay na Pagkakamali) noong 1915 at Dagta nga Makatinlo (Ang Batik na Nakalilinis noong 1919. Nang mamamatay ang sarsuwela, nagsulat siyá ng nobela. Naging popular ang kaniyang dalawang nobelang dramatiko na Bus-og nga Bulawan (Wagas na Ginto) noong1928 at Mater Dolorosa noong 1931. Ang iba

pa niyang nobela ay: Pagbalik sang Gugma(Nang Magbalik ang Pag-ibig), Panaghuy sang Dughan (Sigaw ng Puso), Katipan nga Nadula (Ang Nawalang Katipan), Gugma, Dungog kag Manggad (Pag-ibig, Dangal, at Yaman), Ganhaan sang Impierno (Pinto ng Impiyerno), Kalbaryo sang Isa ka Asawa (Kalbaryo ng Isang Asawa), Gab-ing Walang Kaagahon (Gabing Walang Umaga), Dalitan nga Panublion(Isinumpang Pamana), Larawan nga Nadula (Nawawalang Larawan), Duha ka Katipan (Dalawang Katipan), Sa Kaalabaab sang Daigon (Sa Alab ng Isang Awit), Marina, Gugma nga Ginlimot (Nalimot na Pag-ibig), at Dugos kag Apdo(Pulút at Apdo).

Sinasabing siyá ang nagdalá ng pagbabago mula sa tradisyonal na korido dahil sa kaniyang pagtalakay sa mga isyung panlipunang tulad ng problema sa paggawa, katiwalian, at pag-agaw sa mga lupa. Pinuri ang kaniyang mabulaklak na estilo at mapanuyang pagtalakay sa kaniyang mga paksa. Dahil dito, kinilála siyáng “Ama ng Modernong Panitikang Ilongo”. Isa siyá sa tinatawag na “Trinidad Poetica Ilonga” kasáma sina Flavio Zaragoza Cano at Delfin Gumban. Kilalá siyáng makata na bumibigkas ng kaniyang mga tula sa mga koronasyon tuwing pista o pagpapakilála ng mga kandidato sa eleksiyon. Siyá ang kalihim ng samahang Talapuanan sang mga Bisayaing Magsusulat. Humawak din siyá ng posisyon sa pamahalaan: konsehal nang tatlong termino sa Iloilo; punong-bayan nang dalawang termino; at kalihim ng sangguniang panlalawigan. (KLL)

Cite this article as: Torre, Serapion. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/torre-serapion/